Bantay-dagat laban
sa mapaminsalang pangingisda
"Mandaragat"
Itinanghal Setyembre 19, 2006
Correspomdents at www.abs-cbnnews.com
Ulat ni Abner Mercado
Isa ang Quezon sa mga lalawigan sa bansa na nasa baybayin ng karagatan. Pangunahing ikinabubuhay dito ang yamang maihahandog nito para sa mga mamamalakaya.
Masagana ang karagatan gayundin ang kagandahan na nalalantayan ng puting mga baybayin.
Pero gaya ng maraming baybayin at karagatan ng bansa, hindi ligtas ang Quezon sa mga mangingisdang yumayakap sa maling pamamaraan.
Talamak sa Lamon Bay na nakapagitan sa Atimonan at sa isla ng Alabat ang mga nagdidinamita bilang paraan ng pangingisda.
Sa nakaraang mga taon, unti-unting sinira ng mga nagdidinamita ang mayaman nilang karagatan. Pangunahin na ang mga bahurang tinitirahan ng mga isda.
“Utay-utay na siyang naabuso at nakikitaan namin siya ng unti-unting paghina ng kita naming mangingisda. Iyong mga kapitalsita ang malaki ang kita, iyong mga gumagamit ng ilegal na pamamaraan tulad ng buli-buli, paputok, iyan ‘yung direktang nagpapahirap sa karagatan,” sabi ni Ramon Grimaldo, bantay-dagat ng Atimonan.
Bunga nito, itinatag ni Ramon ang "Bantay-Dagat" sa kanilang lugar.
Trabaho nitong hulihin ang mga nagdidinamita at gumagawa ng iba pang iligal bna pangingisda na sakop ng kanilang karagatan.
Trabaho din nilang pairalin ang Fisheries Code o Republic Act 8550. Sa Section 88 nito, labag ang pagtataglay o paggamit ng pampasabog, gaya ng dinamita, lasong kemikal o kuryente sa pangingisda.
Boluntaryo nilang ginagawa ito nang walang sweldo, walang gamit, walang pondo at walang sariling bangka.
Ang ginagamit nilang bangka ay pahiram lang ng kabilang bayan ng Perez. Madalas pang masira ang makina ng bangka.
Sa isang operasyon na nakunan ng The CORRESPONDENTS, hinahabol ng bangka ng bantay-dagat ang isang pinaghihinalaang ilegal na nangingisda. Lumayo ang hinihinalang ilegal na mangingisda nang makita ang grupo ng mga bantay-dagat.
Nakipaghabulan sina Ramon pero higit na mas mabilis ang bangka at minalas pa silang umusok ang makina ng kanilang bangka. Kung makikipaghabulan pa sila’s mapapatid ang pump belt ng kanilang bangka kaya tuluyang nakalayo ang kanilang hinahabol.
Subalit sa kabila nito ay hindi nasisiraan ng loob sina Ramon at ang mga kasamaha bantay-dagat. Buo ang paninidigan laban sa mga ilegal na gawain sa karagatan.
Sa kabilang bahagi sa islang bayan ng Jomalig ay walang bantay-dagat na nakatalaga at boluntaryo lang kapag kailangan. Ito ang huling isla hindi lang ng lalawigan ng Quezon kundi ng Pilipinas. Nakaharap ito sa Dagat Pasipiko.
“Mayroon kaming mga bangka na ginagamit subalit hindi sapat upang totally maprotektahan ang aming karagatan, dahil unang una pondo. Panggasolina o krudo, langis, at ‘yong aming bangka hindi umaabot minsan sa mabibilis na bangka,” ani Rodel Espiritu, alkalde ng Jomalig..
Talamak din dito ang paggamit ng cyanide o sodium sa pangingisda.
Ang mangingisda ay gumagamit ng mga kemikal para mahilo ang isda at madaling mahuli.
Muli, nakalagay sa Fisheries Code ang pagbabawal sa paggamit ng nakakalasong kemikal sa pangingisda.
* * *
Sa lahat ng ilegal na paraan ng pangingisda, pinakamalaganap ang pagdidinamita.
Pinakamabilis itong paraan ng panghuhuli ngisda.
Nakalap ng The CORRESPONDENTS ang ilang kwento ng mga gumagamit ng dinamita sa pangingisda mula Quezon.
Si Raul Bronz, 39, tubong-Perez, Quezon sa isla ng Alabat sy minsan nang gumamit ng dinamita.
Pero kahit matagal na niya itong tinalikuran, hindi niya kailanman makakalimutan kung paano gumawa ng dinamita.
Sampung taon siyang alipin ng ganitong gawain. Sampung taon niyang pininsala ang karagatan.
Nagbagong buhay si Raul. Tinalikuran niya ang ilegal na pangingisda at ngayon ay waring binabayaran ang mga nagging kasalanan bilang isang bantay-dagat.
Kung dinamita ang pinakamalaganap na ilegal na paraan ng pangingisda, ito din ang pinakamapanganib lalo na sa isang taong gumagawa nito.
Siyam na taon naman ang nakalipas nang sapitin ni Reynaldo Aumentado ag trahedya sa pagdidinamita.
Tatlupum’t walong taong gulang si Reynaldo na taga Perez gaya ni Raul.
Hindi raw si Reynaldo ang mismong naghahagis ng dinamita. Sumasama lang daw siya sa pangingisda.
Naningil ang Kalikasan at siya ang nagbayad sa pinsala.
Nawalan ng kakayahang makapaghanapbuhay pa si Reynaldo. Ang asawa niyang siVilma ang naghahanapbuhay sa karinderyang itinayo niya. Tumutulong na lang si Reynaldo.
Sa Jomalig naman, mas mapalad ang mangingisda na nakilala lang sa pangalang "Edwin." Kahit nadisgrasya sa dinamita at naputol man ang kanang kamay, kinakaya pa niyang mangisda.
Pero hindi na niya kailanman babalikan ang pagdidinamita. Pitong taon ding nagdinamita si Edwin.
Kasama pa ni Edwin ang anak niyang si Ernesto nang madisgrasya sa dinamita. Nagpapasalamat na lang niya at hindi nasabugan ang kanyang anak.
Marami ang gaya nilang nasa yumakap sa maling pamamaraan ng pangingisda. Sila ang mga nasa likod ng estadistika at datos sa kalagayan ng mga karagatan.