“Pahulugan”
Itinanghal Oktubre 24, 2006

Ulat ni Bernadette Sembrano

Sa unang tingin akala mo ay lilipat lang sila ng bahay. Pero sa napakatagal na panahon, ito na nang kanilang “hanapbuhay” na bumubuhay sa bawat bahay sa Barangay San Rafael sa Macabebe, Pampanga.

Ang tawag nila dito ay “pahulugan” at ang mga naglalako naman ng mga panindang kasangkapan at kagamitan ay ang mga “biyahero.”

Kagaya ng ibang mga umaga, may biyahe na naman sila ngayon.

Baon ni “Clavel” ang diskaerteng ginagamit sa loob ng siyam na taon bilang “canvasser” o sa simpleng salita: tagalako.

Labing-isa silang bibyahe ngayon. Ang kanilang kikitain ay nakadepende sa galling ng pag-aalok ng kanilang benta.

Dating mga magsasaka ang mga residente. Gaya ni Clavel, dating nakadepende sa lupa ang kanilang kabuhayan pero tinabunan ng lahat ng lahar ang lahat ng ito kaya pagpapahulugan ang naging bago nilang paraan para kumita.

Bago umalis, abala si "Susan," ang amo nina Clavel. Matapos maisakay sa sasakyan ang lahat ng paninda, handa nang umalis ang lahat.

Ang kanilang destinasyon ay Valenzuela City na ilang oras lang mula sa Macabebe.

Dalawang oras mahigit ang biyahe pero bago magsimula ang kanilang paglalako, kailangan munang mag-almusal. Ang kanilang budget sa pagkain para sa maghapong pagkain, P40.

Bukod sa sikmura, may iba pang kailangang pangalagaan. Ito ay ang ulo at balat na maarawan, higit sa lahat ang balikat na siyang papasan sa maghapong buhatan.

Sa edad ni Clavel na 39, hindi na biro ang maghapong paglalako.

Labingwalong araw nang pabalik-balik sina Clavel dito. Lahat na daw yata ng klaseng tao ay nakilala at nakausap na niya, pati daw klase ng hayop.

Hindi na daw dapat pang lagyan ng salita ang hirap at pagod sa bawat minutong pumapatak.

Pagkatapos ng apat na oras, may buenamano na si Clavel at pagkagat ng dilim, oras na para umuwi sa Macabebe.

May P130 ang kinita ng Clavel. Isda at gulay ang pasalubong niya sa kanyang apat na anak. Samantala, kanya-kanya ring namalengke ang ibang tagalako.

Kahit pagod na pagod, magiliw na naghanda ng hapunan ang ina ng tahanan.

Ang kita raw ng kanyang mister na driver naman ng mga biyahero kada dalawang linggo kuung dumating.

Pero ngayong gabi, makakatulog ng mahimbing ang mag-iina dahil nagkalaman ang kanilang tiyan.

* * *

Pitong galunggong ang almusal ng grupong ito ng mga lalaki.

Kagaya ng grupong galing ng Macabebe ay mga biyahero din sila.

Pero dahil sa hindi na sila nanggaling ng Pampanga, may liwanag na nang magsimula ang kanilang trabaho.

Malayo pa ang pinanggalingang ng mga tokador ng mga canvasser na ito. Ang mga ito ay mula sa Minalin, Pampanga.

Ibiniyahe pa ng mga tagalako ang kanilang produkto sa Cavite.

Mula Pampanga, isasakay nila ang kanilang mga tokador at ibaba sa isang lugar. Dito sila iiwanan sa umaga at susunduin naman ng tanghali.

Malinaw sa mga tagalako na swerte-swetehan lang ang pagbebenta kaya naman sa pagkakaiwan sa kanila, kanya-kanya sila ng diskarte at pupuntahan.

Sila ay mistulang mga kahon na may mga paa na dali-dali sa paglalakad at pagkalat sa kalsada.

Si Ruben Parungao ang pinakamatanda sa grupo. Sitenta’y tres anyos na siya pero todo pa rin sa pagpapahulugan. Hindi niya iniinda ang bigat ng aparador na halos isang sakong bigas ang bigat.

Apat sila sa pamilya na ganito ang trabaho. Isa na rito si Edel, ang pangalawang anak niya.

“Iba pag sanay ka sa buhatan. Palagi akong nagbubuhat dito, wala pang sakit,” ani Ruben.

Iyon nga lang, malakas man siya, mahina naman ang benta.

Pero mayroon din namang binuwenas noong umagang iyon.

Si "Roque," iniwan muna ang bitbit na aparador sa kanyang kostumer at babalik sa tagpuan ng grupo. Kung sino ang canvasser na unang dumating sa kanilang tagpuan, kostumer din niya ang unang reresibuhan.

Sasakay sila sa service at sabay mag-iikot para mabigyan ng kolektor ng resibo ang mga kostumer.

Ilang saglit pa, isa-isa na ring nagdatingan ang iba pang canvasser sa tagpuan. Samantala, si Ruben ay suko na.

Si "Ernesto," nakabenta raw matapos ang paglalakad ng walong kilometro.

Pero wala pa kay Ernesto ang bayad. Ibibigay lang ito sa kanya ng kostumer kapag may resibo na kaya naman hinihintay na niya ang service para madala na rin ang order.

Noong araw na iyon, matumal ang benta na sinabayan ng pagkapagod ng lahat.

Sa kabila nito, tulong-tulong pa rin sila sa pagbababa ng aparador na naibenta ni Ernesto. Pero ginto na, naging bato pa.

Umalis daw kasi ng bahay ang kostumer ni Ernesto kaya wala naman siyang magawa kundi ang maghintay.

Anang mga tagabenta, ganoon daw talaga ang kanilang trabaho.

Sa bawat bentahan, mabilis ang transaksyon. Akala mo nakabenta ka na, pero kung wala ang may-ari sa oras ng resibuhan, balewala lahat ng pagod mo.

Sa tinagal-tagal ng paglalakad, tatlo lang sa kanila ang nakabenta. Alas-dos na ang hapon nang sila ay makakain.

Pagdating sa bahay saka nila naramdaman ang bigat ng kanilang pinasan.

Sa araw na ito, ang kinita ng pagod na katawan ay pananghalian. Iyon nga lang, pera ang kailangan ng kanilang mga pamilyang naghihintay sa kanila.

* * *

Dalawang buwan kadalasan tumatagal ang grupo ng mga lalaki na nagbebenta ng mga kasangkapan sa Cevite.

Noong araw na makita sila ng The CORRESPONDENTS, binilisan nila ang trabaho dahil maari na raw silang umuwi ng San Simon sa Pampanga.

Sa loob ng kanilang tinitirhan ng mahigit isang bwan, wala halos kasangkapan bagama't nakatambak sa isang sulok ang kanilang mga produkto.

Sa labas, nakaantabay ang grupo sa pagdating ng kanilang kolektor na si "Edwin."

Pero pagdating ni Edwin, tila hindi maganda ang balita.

“Sa dalawa lang mabibigyan ng pera… kulang na pera. Hintayin n’yo ko maniningil ako ulit,” ani Edwin.

Sina Ruben at Ernesto pa lang ang nakakubra ng kanilang sweldo.

***


Bago ang lahar sa Pampanga, simple ang pamumuhay sa Barangay San Isidro. Pero ngayon ang lupang dating sinasaka ng 70-anyos na si Ruben,pabrika na ang nakatayo. Bawal nang matrabaho rito ay mga may edad.

Sa kanyang pag-uwi, pinapawi na lang ni Ruben ang pagod sa pagbisita sa kanyang mga apo at pakikipagkwentuhan sa kanyang mga kapitbahay at kainuman.

Ang bahay naman ni "Bonifacio" ay salat sa gamit. Wala ni isa sa kaniyang binubuhat at inilalako ang nasa loob ng kanyang tahanan.

Noong 1986 pa nagssimulang maging canvasser si Bonifacio pero siya raw ang pinakamahirap sa kanilang grupo.

Pinag-aaral niya ang kanyang mga anak kaya hindi na raw niya naipaayos ang kanilang bahay.

Naikwento na noon ni bonifacio ang kanyang mga naging aksidente sa trabaho. Pero dahil sa wala siyang bitbit ngayon, nagawa na niyang ipakita ang sugat niya ng minsan siyang mabangga.

Samantala, kapag nakauwi naman si Ernesto, pagbibisikleta naman ang kanyang ginagawa.

Masaya daw siyang mag-ikot sa barangay dahil dito raw sa kanilang lugar, tanggap sila ng mga tao hindi kagaya sa lugar na kanilang dinadayo.

Pero tila isang iglap lang ang nagdaang kasiyahan dahil kahit siya ang may pinakamalaking perang naiuwi sa grupo, dadaan lang daw ito sa kanilang palad.

* * *

Ayon sa kanila, ang buhay ng mga tagalako ng San Simon ang patunay na ang empleyado ay hindi yumayaman. Mabuti pa daw ang mga kolektor na siyang kanilang amo.

Karamihan daw sa malalaking bahay na makikita sa Macabebe ay bunga ng pagpapahulugan. Isa na rito ang bahay ni Susan, ang kolektor nina Clavel na naglibot sa Valenzuela.

Dekada '90 nang umpisahan ni Susan ang pagiging kolektor.

Dati din daw siyang tagalako pero nilakasan niya ang kanyang loob at nangutang ng puhunan para makapagsarili.

Ayaw daw niyang matulad sa iabng mga kasamahang nananatiling mga tagalako na lang.

Laway lang daw ang puhunan noon ni Susan. Pinagkatiwalaan siya ng merchandiser na ipagpahulugan ang mga produkto at ibabalik ang bayad sa oras na may naihulog sa kanya.

Bagama't marami na ang nalugi, naitaguyod ni Susan ang kanyang pahulugan.

Pero kaunti lang ang tinatamaan ng ganitong swerte.

Aminado naman ang bayan ng Macabebe na kulang ang trabaho para sa mga kababayang biktima ng lahar.

Wala nga daw pwedeng asahang ibang tao o gobyerno para kumita at mabuhay.

Pero para sa mga taong nakasalamuha ng The CORRESPONDENTS nang ilang linggo, ang pagkakaroon ng marangal na pagkakakitaan ay nasa kakayanan nilang magbuhat ng pagod at tiyaga sa kanilang paglalako.