PILIPINAS: SALAT SA SERBISYONG MEDIKAL
"Gamot"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Hulyo 25, 2006
Martes, 11 p.m.
Ulat ni Bernadette Sembrano
Sampung bilyong piso andg badyet ng Department of Health (DOH) noong nakaraang taon.
Pero sa 85 milyong Pilipino ngayon, alam n’yo bang P0.30 ang inilaan ng ating pamahalaan sa kalusugan ng bawat isang mamamayan?
Kung kahit kendi ay hindi mabibili ng P0.30, saan pinapaabot ng ating mga health center at pampublikong ospital ang halagang ito para mapaglingkuran ang mamamayan?
* * *
Isang araw saksi ang The CORRESPONDENTS sa samu’t sari ang mga kwento ng mga taga-Baseco sa Tondo, Maynila laban sa kanilang health center na nasa kanto.
Pero
anuman ang reklamo ng kanyang kapitbahay, desidido na si Melly Tagasa na
bitbitin ang kanyang mga anak para magpsuri sa helath center. Isang linggo na
kasing binubulag ng muta ang mata nilang mag-iina.
Itinuturing ang Baseco na isa sa pinakamahirap na komunidad sa Kalakhang Maynila. Sinasabing ang lugar na ito ay alagang-alaga ng mga pulitiko dahil sa dami ng botante at mga raliyista. Kaya ipinagmamalaki ng kapitan na kumpleto sa gamit ang kanilang health center.
Pero hindi ito ang naranasan ni Melly sa kanyang pagdayo dito.
Sa hinaba-haba ng sermon kay Melly, isang simpleng reseta ang kanyang napala. Ganito naman daw talaga palagi.
Bukod
sa walang gamot na maibigay para sa lagnat at “hinihinalang sore eyes,” walang
vitamins na maibigay ang center sa kanyang malnourished na mga anak.
Kahit buntis si Melly, walang gamot o check-up na isinagawa sa kagampan na ina.
Tatlong linggo nang nilalagnat at nagmumuta ang mga mata ng mag-iina. Hindi rin umubra ang home-made remedy ni Melly na paghihilamos lang.
Kailangan na ang doktor sa ganitong sitwasyon. Direstso sa ospital si Melly dahil bigo sa health center.
Maagap
na kinausap ng The CORRESPONDENTS sa ospital ang naghihirap na pamilya. Pero
dahil hindi naman daw emergency case ang sitwasyon ng mag-iina, ito ang hatol sa
kanila: “Balik po kayo ng 6:30 a.m. sa Monday.”
Nagbakasakali din ang The CORRESPONDENTS na malunasan ng isang pampublikong ospital sa Tondo ang pamilya.
Paglabas nina Melly mula emergency room, dala niya ang isang maliit na bote ng antibiotic sa mata.
Pero kahit na lima silang maghahati-hati sa boteng iyon, magiging malaking tulong na para sa kanilang kalagayan.
***
Kung tutuusin sina Melly ay ilan lang sa 85 milyon milyong Pilipinog umaasa sa tulong medical ng pamahalaan.
Pero alam n’yo bang aabot lang sa P0.30 kada Pilipino ang badyet ng ating pamahalaan para sa kalusugan ng bawat isang mamamayan?
“Ang krisis talaga ‘yung maysakit. Hindi masyadong naasikaso at ‘yung mga dapat maiwasang sakit ‘di maiwasan dahil sa serbisyong pangiwas kagaya ng bakuna bumababa ngayon. Akalain mo P0.25 kung ihambing mo sa P50 na dapat ginagasta?” ani Dr. Jaime Galvez Tan ng Health Futures Foundation.
Sa mahal ng eye drops na ibinigay kina Melly, naubos na niya ang P0.30 na inilaan ng gobyerno para sa kanya.
Sapat ba ang P0.30 para sila mapaglikuran ng pamahalaan? Paano pa kaya ang mga taong hindi lang sore eyes ang nagiging sakit?
* * *
Ilang araw nang maysakit ang anak ni Lloyd Ramos. Siya ngayon ang bantay sa bahay.
“Alangan
namang iwan ko ang tatlo kong anak na mga bata. ‘Yung asawa ko andun nasa isang
anak ko sa ospital. Sabi ng mga doktor baka sakali, baka sakali, pabalik-balik,”
ani Lloyd.
Pero hindi lang anak niya ang may karamdaman. Bawat bahay na napuntahan ng The CORRESPONDENTS sa kanilang lugar sa Baseco, may isang bata o matanda ang maysakit.
Limang beses sa isang linggo bukas naman ang health center sa kanilang lugar.
Pero tila ayaw mnagpuntahan dito ng mga residente. Masama raw kasi ang karanasan nila dito.
Imbes
daw kasi na kalinga, sermon ang bitbit nila pag-uwi.
“Pila ka d’yan ng alas onse nuebe, aabutin ka ng alas-dos o alas tres, wala namang dalang gamot. Check-up check up lang. 'Eto, bilhin mo 'to.' E pa'no ko bibilhin, wala akong pera?” ayon sa isang taga-Baseco.
Kagaya ni Melly, sa health center din unang sumadya si Lloyd pero aminado siyang hindi siya umaasa ng magandang resulta.
“Kwento
nila mahirap sa center namin dito, kapos sa gamot. Kung check-up sa doktor,
reseta lang ibinibigay,” ani Lloyd.
Noong araw na iyon, mahaba man ang pila, tila sinuswerte si Lloyd.
“Ako lang po ang nabigyan sa dami namang nakapila. Nagtaka sila,” kwento niya.
Sa bahay ipinakita niya sa The CORRESPONDENTS ang mga gamot na ibinigay sa center. Titipirin daw niya ang paggamit nito dahil baka wala nang susunod na supply.
* * *
Ipinagtanggol
naman ni DOH Secretary Francisco Duque ang kanyang departamento.
“Sampung bilyon lang kaya P0.30? That’s not the right and fair way. It’s unfair na sabihin na its just P10 bilyon kasi maraming ibang pinagkukunan [ng pondo]. Kulang-kulang pero isa itong hamon para pamunuan maghanap ng pamamaraan para matustusan ang serbisyo pangkalusugan,” ani Duque.
Ipinakita pa ng DOH ang bodega na pinag-iimbakan ng kanilang mga gamot.
Sa
badyet ng gobyerno para sa kalusugan ng bawat Pilipino, kasama na diyan ang
pambili ng mga gamot. Nagkakahalaga ito ng P24 milyon. Pero alam
n’yo bang ang halagang ito ay inutang din ng gobyerno?
Halos puro para sa tuberculosis ang mga gamot. Depende kasi sa programa ng DOH ang mga gamot na prayoridad na bilhin.
Ayon
sa datos ng pamahalaan, ngayong taon ay P400-milyon halaga ng gamot ang bibilhin
ng World Bank para sa Pilipinas.
Pero hindi kasama sa mga ito ang gamot para sa sakit ng mga taga-Baseco.
Ang paracetamol na para sa lagnat, wala sa bodega. Kauubos lang daw.
* * *
Kung matindi ang reklamo sa mga health center, mas malala raw ang sitwasyon sa pampublikong mga ospital.
Marso
2006 nang makunan ng video sa emergency room ang isang pampublikong ospital sa
Maynila.
Oras na daw ang inaantay ng sunog at lapnos na lalaking pasyente para lang asikasuhin siya ng mga doktor.
Bunsod ng video ng media, inasikaso din ng ospital ang lalaki. Pero hindi lahat ay kasing swerte niya.
Sa tala ng National Statistics Office, pito sa bawat 10 Pilipino ang namamatay na hindi man lang nasusuri ng doktor o nakarating sa ospital.
Sa
imbestigasyon ng The CORRESPONDENTS, iba-iba ring reklamo ang nasaksihan.
Mayroong matagal bago ipasok sa ospital. May mga kwento din ng mga pasyenteng
tinanggihan umano.
Ginagawa naman daw ng pamahalaan kung ano ang makakaya nito. Pero ang siste, hindi raw dapat iasa ang lahat sa mga awtoridad.
Ngunit karapatan ng mamamayan ang makatanggap ng serbisyo medikal. Ginagarantiya ito ng batas.
Pero
batay sa ipinakita ni Tan na iba’t ibang pag-aaral sa kondisyon ng health care
system ng bansa, bagsak at kulelat palagi ang Pilipinas. Kalihim dati ng DOH
noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos si Tan.
“Ngayon ang health care sa Pilipinas, medyo malala. Nasa isang crisis, kasi alam mo naman maraming problema, nag-aalisan ang ating mga doktor. ‘Yung mga mahihirap hindi pa rin nakakaabot sa ating mga health centers,” ani Tan.
Maliit na nga ang badyet, napupunta pa raw sa katiwalian at pagnanakaw ang 70 porsyento nito.
Nawawala na nga ang pondo, nagkakandawalaan na din pati mga doktor at nars. Sa loob ng 10 taon, tinatayang 100,000 health officers na ang umalis ng bansa.
“Dumadami
ang mga nagkakasakit. Kung may sakit ka mas malala ang magiging sakit mo, dahil
hindi ka nakakahantong sa tamang pagkonsulta sa ating serbisyong pangkalusugan,”
ani Tan.
Ayon pa kay Tan, panahon na talaga na dagdagan ang badyet sa kalusugan.
Nakakalula ang halaga ng pera pero kung kaya nating gumastos ng P1 bilyon para lang bumili ng baril at bala para pumatay ng kaaway ng ating pamahalaan, bakit hindi natin kayang dagdagan ang P1-bilyong pondo sa serbisyong pangkalusugan para mas marami ang mabuhay na Pilipino?
Ang
sagot sa tanong ay parang resetang ayaw lang ding bilhin ng pamahalaan.
Kailan lang ipinagmalaki ng gobyerno ang paglaan ng P1 bilyon para tuluyan nang matapos ang laban sa pagitan ng mga rebelde at ng pamahalaan.
Pero hindi kaya mas maraming buhay ang maaring maisabla kung kalusugan ay bibigyan ng pantay na pagpapahalaga?