Napapanahong gulay, mas masustansiya
Use the on-line dictionary for vocabulary words.
Napapanahong gulay, mas masustansiya |
PILIIN ang mga napapanahong gulay dahil ang mga
ito ay mas mura at mas masustansiya. Gayunpaman, ginagawang posible ng makabagong teknolohiya na makapagtanim ng mga gulay na wala sa panahon. Dahil karamihan ng mga gulay at prutas ay nabibili sa anumang panahon, ang mga mamimili lalo na ang mga nakatira sa lungsod o bayan ay nakakaligtaan na o hindi na alam kung kailan pangkaraniwang inaalagaan ang mga halamang ito sa bukid. Subalit, base sa mga pag-aaral sa Kagawa Nutrition University, Laboratory of Bio-organic Chemistry sa bansang Hapon na ipinadala sa Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (PCARRD-DOST), ang hindi napapanahong gulay at mga prutas ay ganap na mababa ang sustansiya sa kabila ng maganda nilang anyo at mas mataas na presyo. Natuklasan sa pag-aaral na ang taglay na bitamina C ay lubhang naaapektuhan ng panahon sa paghahalaman. Sa spinach, halimbawa, ang bitamina C ay nababawasan ng may ikawalo hanggang ikalimang bahagi kapag itinanim ng wala sa panahon. Sa mga di-panahong ani ng kamatis at broccoli ang nababawas ay hanggang kalahating bahagi. Nakita rin sa pag-aaral na ang taglay na karotina, isang pangunahing sustansiya sa produksiyon ng bitamina A, ay naaapektuhan din ng panahon ng pagtatanim. Sa broccoli, ikaapat na bahagi ang nababawas at sa carrot ay mahigit sa kalahati. Gayunpaman, ang bitamina C at karotina na taglay ng ilang gulay at prutas, tulad ng di-maanghang na sili, celery, at kiwifruit, ay hindi nagbabago sa iba't ibang panahon. Base sa resulta ng pag-aaral, upang makakuha ng karagdagang bitamina sa pang-araw-araw na pagkain, ipinapayo na piliin ang spinach, broccoli, kamatis, carrot, at repolyo, at iba pang gulay na itinamin sa tamang panahon. Bengie P. Gibe, S&T Media Service |