Mga Huwarang Bayani |
Lapu-lapu
Si Lapu-lapu ang kauna-unahang pinunong Pilipinong lumaban sa mga mananakop na Kastila. Pinamumunuan ni Magallanes ang unang pangkat ng mga Kastilang nagtangkang sumakop sa kapuluan. Nang dumating siya kasama ng kanyang mga sundalo sa pulo ng Mactan, magiting na ipinagtanggol ni Lapulapu at ng kanyang mga tauhan ang kalayaan nila. Napatay si Magallanes sa labanang iyon kaya't itinanghal na unang bayaning Pilipino si Lapu-lapu ng bansa.
Jose Rizal
Si Rizal ang pambansang bayani ng Pilipinas. Dalawang kilalang nobela ang sinulat niya - ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Inilarawan niya sa dalawang nobelang ito ang kawalang-katarungan at pagmamalupit ng mga Kastila sa mga Pilipino. Binigyang-diin din niya ang pag-ibig sa bayan at ang kinakailangang kalayaan ng ating bansa. Hindi naibigan ng mga Kastila ang isinulat niya kaya't ikinulong siya at binaril sa Bagumbayan. Rizal Park o Luneta na ang tawag ngayon sa Bagumbayan.
Bata pa lamang si Rizal ay kinakitaan na siya ng katalinuhan. Tatlong taong gilang pa lamang siya nang matutong bumasa. Kartilya ang kanyang unang aklat na may mga alpabeto at dasal. Kinagigiliwan niyang makinig sa kanyang ina habang tinuturuan nito ang kanyang mga kapatid.
Apolinario Mabini
Isang napakatalinong tao at may napakatibay na paninidigan si Apolinario Mabini. Kahit paralitiko siya, sumulat siya ng isang sanaysay hinggil sa mga tungkulin ng mga mamamayan sa Diyos, sa bayan, at sa kanyang kapwa-tao. naging tagapayo siya ni Heneral Emilio Aguinaldo noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Tinawag siyang Utak ng Himagsikan.
Emilio Aguinaldo
Si Heneral Emilio Aguinaldo ang unang pangulo ng Unang Rebolusyonaryong Republika ng Pilipinas. Sa kanyang tahanan unang itinaas ang bandila ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Ito ang araw nang ipinahayag niya ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espaņa.
Andres Bonifacio
Si Andres Bonifacio ang nagtatag ng Katipunan. Ang Katipunan ay ang samahan ng mga Katipunero. Ang mga Katipunero ay ang mga Pilipinong lumaban sa mga Kastila sa pamamagitan ng sandata o himagsikan. Gusto nilang maging malaya ang mga Pilipino mula sa Espaņa.
Melchora Aquino
Si Melchora Aquino ay kilala rin sa pangalang Tandang Sora. Tinulungan niya ang mga Katipunero. Binigyan niya sila ng pagkain at tirahan. Inalagaan pa niya ang mga may sakit at sugatang Katipunero. Isa iyang matapang na Pilipino.
Mga Di-kilalang Sundalo
Libu-libo ang mga di-kilalang sundalong Pilipino. Inialay nila ang kanilang buhay sa pagsisilbi para sa Inang Bayan at mga kababayan. Nagbuwis sila ng buhay dahil sa pagmamahal nila sa bansa. Ang kanilang kagitingan ay idinambana sa mga puso ng lahat ng Pilipinong mapagmahal sa kalayaan.
Sila ay ilan lamang sa mga bayaning Pilipino. Ipinagmamalaki ng mga Pilipino ang kanilang kagitingan.
Mula sa Librong Bayanihan 2 ni Priscila B. Dizon
Maikling Pagsasanay:
A. Ilapat ang tamang katangian ng bawat bayani:
1. Lapu-lapu | a. isang lumpong bayani |
2. Jose Rizal | b. nagtatag ng Katipunan |
3. Apolinario Mabini | c. unang bayaning Pilipino |
4. Emilio Aguinaldo | d. tumulong sa mga sugatang Katipunero |
5. Melchora Aquino | e. Utak ng Himagsikan |
6. Andres Bonifacio | f. sumulat ng Noli Me Tangere |
7. Mga di-kilalang sundalo | g. idinadambana sa puso ng lahat ng mga Pilipinong mapagmahal sa kalayaan |
B. Sagutin ang mga tanong:
1. Bakit tinaguriang kaunaunahang bayaning Pilipino si Lapu-lapu?
2. Ano ang dalawang nobelang isinulat ni Rizal?
3. Sino ang mga Katipunero? Bakit sila lumaban sa mga Kastila?