The Transformer

anarule.gif (1534 bytes)

Source: www.abs-cbnnews.com
Itinanghal Enero 23

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

 

 

Si Dr. Jaime Jorge ay batikang cancer surgeon ng Mary Chiles General Hospital sa Maynila. Pero bukod pa sa malalang sakit na kanser, may iba pang klaseng operasyong ginagawa si Jorge.

Kilala rin si Jorge bilang "sex change specialist." Taon ng 1989 nang unang maging interesado si Jorge sa sex-change surgery.

Pero nagdesisyon siyang pasukin na ito nang may lumapit sa kanyang isang Pinoy na pasyente na hinihingi ang kanyang tulong sa pagpapalit ng kasarian.

"May isang pasyente ang lumapit sa akin, Pinoy s'ya, BF n'ya Hapones. Pumunta sila sa clinic, sabi ng Hapon I want the best for my sweetheart. I want her to become female," aniya.

Kahit isang ganap na cosmetic at plastic surgeon na si Jorge noon, hiningi pa rin niya ang tulong ng isang batikang obstetrician sa Singapore na si Professor Ratnam.

Sa pamamagitan ni Ratnam ay natututo si Jorge ng sex-change operation pero bumilang muna siya ng taon bago nakilala sa kanyang ispesyalisasyon.

Ngayon, kilala na siyang sex-change surgeon hindi lang sa bansa kundi sa buong Asya.

Mula sa maykayang angkan si Jorge. Sa limang magkakapatid, pangatlo siya na naging mga doktor sa pamilya.

Pero imbes na pagdodoktor, pinangarap daw ni Jorge noon na maging enhinyero.

"Gusto ko lang to be a civil engineer, sa Don Bosco Technical... pinakamataas kong grade sa Drafting, 99 grade ko dun," aniya.

Taon ng 1967 nang magtapos ng B.S. Psychology sa University of Sto. Tomas si Doc Jorge. Taon ng 1972 nang pumasa siya ng medical board exams.
Makalipas lang ang tatlong taon, naging surgeon naman siya.

Pero kahit ganap na surgeon na ay may napansin si Jorge.

"Nung naging general surgeon ako, nakikita ko, gutom. Ang dami ng general surgeon, ang daming nag-aagawan sa isang appendix ng tao," ani Jorge.

"Pag naoperahan 'yan hindi na uulit [ang pasyente]," dagdag niya.

Bunsod ng tumitinding kompetisyon ng mga surgeon sa bansa, naisip ni Jorge na pasukin ang mundo ng plastic at cosmetic surgery.

Sinuwerte lang siya na mabiyayaan ng mga libreng study grant sa U.K. at Japan.

'Moralidad'
Sa edad ng 58 at mahigit 30 taon karanasan bilang doktor, si Jorge pa rin ang itinuturing na pinakamagaling na Pilipinong doktor na nagsasagawa ng sex-change operation sa bansa.

Nakilala ng Pipol si "Nika" ('di-tunay na pangalan), isang entertainer sa Japan. Mahigit dalawang buwan pa lamang daw mula nang operahan siya ni Jorge.

"Dati may nagrekomenda sa Thailand [ng pwedeng mag-opera sa akin] pero naisip ko dito kasi may check-up dito, saka OK," ani Nika.

Sa halagang P350,000 para sa operasyon, kasama na ang psychiatric evaluation at mga gamot, natupad ang matagal ng pangarap ni Nika.

Wala man siyang matres, ramdam ni Nika na isa na siyang ganap na babae na ngayon.

Kung masaya na si Nika ngayon, nilinaw ni Jorge na hindi lahat ng lumalapit sa kanya ay inooperahan niya.

Kailangan munang dumaan sa ilang serye ng pagsusuri ng mga experto.

" 'Pag lumapit sa akin, pinapadala ko agad sa psychologists, the psychologist will tell me if the patient has the right mind to understand the surgery. Pag sinabing OK, pinapadala ko sa dalawang psychiatrist 'yan. And then 'yung dalawang psychiatrist ang magsasabi kung transexual patient, hindi lang homosexual ang pasyente," aniya.

" 'Pag ginawa mo ito sa hindi transexual malaki ang side-effect, gaya ng nabalitaan mo na nagsisisi nang maging born-again," dagdag ni Jorge.

Naikwento rin ni Jorge sa Pipol kung bakit mas maganda ang kanyang operasyon kaysa sa Thailand.

"Dun sa technique, 'yung vaginal canal nila mababa, three inches lang, sa akin average ng vaginal canal, nagagawa ko ng 5 inches," aniya. "'Yung aking surgery may muscle control. 'Yung sa Thailand, hindi ko alam."

Malaki man ang kinikita ni Jorge ay nanatiling simple lang siya. Napagtapos na niya ng pag-aaral ang kanyang apat na anak.

Pero kwento ng anak ni Jorge na si Janet, naging tampulan sila ng biruan ng mga kaklase noon.

"Sabi [ng mga kaklase ko] kung produkto raw kami ng Daddy," ani Janet.

Ayaw sana ni Jorge na sundan ng kanyang mga anak ang yapak na kanyang tinahak pero sadyang malakas ang kanyang impluwensya sa anak.

Taon ng 2004 ng maging surgeon din ang panganay niyang si Jun.

Ngayon, assistant na rin niya sa mga sex-change operations ang anak.

Lolo na rin ngayon sa kanyang dalawang apo si Jorge. Ang mga apo raw ang pumapawi ng kanyang pagod pagkatapos ng kanyang mga operasyon.

Kung hindi naman abala sa pag-oopera ng mga kanyang pasyente si Jorge ay makina ng awto raw ang isang hilig niyang kalikutin.

Pero hindi lang pangarap ng mga gustong maging babae ang natutupad ni Jorge.

Isinama ni Jorge sa Pampanga ang Pipol, sa pangunguna ng Rotary Club of Cubao. Taunan silang nagbibigay ng libreng konsultasyon sa iba't-ibang lugar.

"Apostolate ko na 'to, pati pagbibigay ng libreng operasyon sa mga may hair-lip," aniya.

Sa mahigit dalawang dekada, aabot na sa 200 ang naging Eba sa kanyang mga kamay.

Wala pa ring batas sa bansa na nagbabawal sa pagpapalit ng kasarian ng isang tao kaya wala raw nilalabag na batas si Jorge. Tanging hangad lang daw niya ay ang makatulong.

"You know we are not talking of morality here, we are talking of an illness that needs treatment. So sa akin 'yun ang reason ko," ani Jorge.