Dr. Punongbayan, lingkod ng bayan

anarule.gif (1534 bytes)

Source: www.abs-cbnnews.com

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may panibagong "window" na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Walang nagulat nang pumutok ang balitang isa na namang helicopter ang bumagsak noong Huwebes sa Nueva Ecija.

Taon-taon ay may naaksidenteng sasakyan ng Air Force dahil sa kalumaan ng mga sasakyang pamhimpapawid nito.

Pero natigilan ang sambayanan nang malamang siyam ang nasawi at isa sa kanila ay si Dr. Raymundo Punongbayan.

Ang tagapagbigay ng babala sa mga darating na kalamida, ngayo’y biktima ng trahedya.

Bilang isa sa mga governor ng Philippine National Red Cross, nagsagawa si Punongbayan at mga kasama niya ng inspection sa mga binagyong bayan sa Nueva Ecija at Aurora para mapaghandaan ang tag-ulan at maiwasan ang landslide. Dalawang taon pa lang siya naninilbihan sa Red Cross.

Mas kilala si Punongbayan sa pagiging direktor ng Phivolcs.

Sa loob ng dalawang dekada ay nakilala ng publiko ang maamo niyang mukha at mahinahong boses na nagbigay babala tungkol sa mga parating na lindol at napipintong pagputok ng bulkan.

Niyanig ng matinding lindol ang Luzon noong 1990 at si Punongbayan ang nagpaliwanag sa mga litong Pilipino kung ano ang mga dapat gawin.

Noong 1991 ay pinakinggan niya ang mga Aeta na nagsabing maaaring pumutok ang bulkang Pinatubo.

Libo-libong buhay ang nailigtas dahil sa kanyang pananaliksik at maagang babala.

Sa panahon nang takot at pagkalito ay si Punongbayan ang naging pinuno ng bayan na tanging pinakinggan at pinaniwalaan.

Maging mga siyentipiko sa ibang bansa ay humanga hindi lang sa kanyang talento kundi sa dedikasyon niya sa siyensa.

Hindi na rin kailangan tumingin pa sa kanyang mga tropeo o mga diploma para makita ang pagmamahal niya sa trabaho.

Ultimo pirma niya ay hugis bulkan.

Dalawa sa apat niyang anak, sina Stauro at Andalus, ay ipinangalan sa bato.

Ito siguro ang dahilan na sa panahon ng krisis ay kasingtatatag sila ng kanilang ama.

"Nung bata pa kami, pag mahaba na buhok namin siya ang gugupit. Tapos siya ang magluluto ng steak namin. Kumbaga 'yung Sunday [ay para sa] activity ng pamilya namin," ani Stauro.

"Pag weekends nga dadalhin niya kami sa Taal. Dun kami mag-spend ng weekend kahit swimming overnight o balikan lang," aniya.

Ulirang ama

Dahil iniwan sila ng kanilang ina isang dekada na ang nakakalipas, si Punongbayan ang naging haligi at ilaw ng kanilang tahanan.

Maski subsob raw sa trabaho ang ama araw at gabi ay hindi raw niya nakakalimutang alagaan ang mga anak.

Mula’t sapul ay simple ang naging pamumuhay ni Ray. Nag-aral sa Torres High School sa Tondo, Maynila.

Pinalaki siya ng mga magulang na mangingisda.

Naalala rin ng kapatid ni Punongbayan na si Flor ang kapilyuhan ng kapatid noong araw.

"Nagpi-pinic sila sa bundok. Tuwing bakasyon nagpupunta sila sa mga ilog at nagswi-swimming sa mga ilog tapos nangunguha ng alatiris o bayabas," ani Flor.

"E maloko rin 'yan. [Dahil 'yung] aratilis ay pinag-aagawan, ang gagawin niya ay ilalagay niya sa dahon, lalagyan niya ng sili at bibigay sa kasama," aniya.

Naging working student si Ray, nagtapos ng Bachelor of Science in Geology sa Unibersidad ng Pilipinas at nakakuha ng PhD sa University of Colorado.

Wala siyang ibang yaman kundi ang angking talino at dedikasyon sa trabaho.

Nakabili lang siya ng sasakyan mula sa perang nakuha nang siya'y magretiro noong 2003 sa Phivolcs.

Hindi siya bumili ng bahay, ni wala siyang sariling kuwarto.

Itinuro ni Stauro ang sofa sa sala na nagsilbing kama ng ama.

"Ito na 'yung bed niya. Diyan siya natutulog. He likes it here. I don’t know why mas gusto niya dito than upstairs."

Marami ring ibang talento si Ray.

Bukod sa pagmamanman sa mga bulkan at faultline ay mahilig siyang gumawa ng mga tula at mag-sketch.

Bihira rin daw magbakasyon si Ray. Kundi sa Taal sa Tagaytay ay sa Los Baņos, Laguna siya pumupunta para bisitahin ang matalik na kaibigan at dating kasama sa National Science and Technology Authority na si Floro Tesoro.

"Alam mo I cannot put into one word 'yung mga mamimiss ko sa kanya eh. Marami kaming pinagsamahan, kakalogan, straight things but I will miss him as a true friend," ani Tesoro.

Maalahanin daw si Ray. Sinigurado rin daw nitong walang sasabog na bulkan malapit sa kanyang tirahan.

Ipinakita ni Tesoro ang ginawang mapa ng kaibigan.

"Ito 'yung ginawa niya. It’s a map of volcanoes in surrounding areas. Biro mo nilagay pa niya sa frame tapos pinadala pa niya dito."

Hanga rin si Tesoro sa integridad ng kaibigan. Nagsilbi siya ng 20 taon sa bayan pero hindi nabahiran ng katiwalian ang kanyang pagkatao.

Para sa lahat ng taong malapit kay Ray, nawalan ang mga Pilipino ng isang tunay na maglilingkod sa bayan.

Naiibsan na lang ang kanilang pighati kapag iniisip na masaya si Ray sa kanyang huling sandali.

"Up to his last breath he wanted to make sure that people will build homes on safe grounds. ['Yung] talagang 'di madadaanan ng flashfloods, 'di madadaanan ng mudslides, 'di madaanan ng fault line," ani Stauro.

"I feel that if he were able to make a decision as to how he would go, maybe he would've opted that way, to die in line of duty," ani Tesoro.

Bilin ni Ray, kapag namatay siya ay sunugin ang katawan at ikalat ang abo sa bulkan ng Taal.

Ito raw ang simbolo ng pag-alay ng buhay niya para sa kanyang misyon.