Source: www.abs-cbnnews.com
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at
may panibagong "window" na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)
Anak mayaman si Jaime Lachica Sin na lumaki sa lalawigan ng Aklan. Ipinanganak siya noong Agosto 31, 1928. Labing anim silang magkakapatid pero pito ang namatay at siyam silang nabuhay. Lahat sila ay may kanya-kanyang yaya.
Bata
pa lang si Sin ay hikain na siya pero hindi naapektuhan ng pagkakasakit ang disposisyon
niya sa buhay. Malapit din daw siya sa mga kaibigan.
Sa edad na 13 ay naisip ni Sin na magpari. "I'd like to become a priest since I was a small boy. I used to say mass alone in my room, I was asthmatic," ani Sin sa isang panayam noong nabubuhay pa siya. Pero ayaw ng amang negosyante ni Sin na magpari siya.
Nagkaroon ng mga kaibigang babae si Sin at mayroon din daw siyang mga "crush." Pero mas malakas raw ang tawag ng Diyos.
Isang taon bago siya magtapos sa pagpapari ay sumulat si Sin sa Birheng Maria para tanungin kung itututoy niya ang bokasyon. Isang senyales ang hiningi niya. Hiniling niya na mahinto ang kanyang hika ng ilang buwan. Ibinigay raw ito ng Birhen at noon nag-umpisa ang bagong landas ni Sin.
Mabilis
umangat sa Simbahang Katolika si Sin at noong 1974 ay naging pinakabatang miyembro ng
Vatican's College of Cardinals si Sin sa edad na 66. Ito rin ang taon na naitalaga siya
bilang arsobispo ng Maynila.
Noon sila nagkakilala ni Noli Yamsuan, ang personal na photographer niya sa loob ng 31 taon. "Madali siyang kausapin, madaling lapitan. I adopted him as a father," ani Yamsuan. Naging malapit si Sin kay Yamsuan mula noon.
Kasama si Yamsuan nang magtawag si Sin ng mga taong magbabarikada sa EDSA noong 1986. Ang tawag na ito ang nag-umpisa ng 1986 People Power Revolution. Naging simbolo si Sin ng isang aktibong simbahan na nakikinig sa daing ng mahihirap. Marami siyang nahikayat sa pananampalataya dahil sa kanyang katapangan at paninindigan laban sa katiwalian.
Matapos
ang ilang taon ay nanawagan muli si Sin laban sa administrasyon ng dating pangulong Joseph
Estrada. Ayon kay Sin, isang sulat kay Birheng Maria ang ibinigay niya muli bago siya
nagdesisyon tungkol dito. Matapos mapatalsik si Estrada ay nag-umpisa naman ang mahabang
kalbaryo ni Sin sa sakit na diabetes at sakit sa bato.
Setyembre 2003 nang magretiro si Sin bilang arsobispo ng Maynila. Nang mga panahong iyon, madalas na ang dialysis ni Sin at bihira na siyang magmisa sa publiko dahil sa mahinang katawan.
Pero
nitong Linggo, nilagnat si Sin at agad siyang isinugod sa Cardinal Santos Medical Center.
Bagamat kahit malakas ang pananampalataya ni Sin ay mahina naman ang kanyang laman.
Pumanaw sa edad na 76 ang paring tinaguriang "prinsipe ng Simbahang Katolika" sa
Pilipinas.
Sa huling panayam ng ABS-CBN kay Cardinal Sin ay sinabi niyang hindi naman daw niya inambisyon na makilala bilang isang magaling na lider ng simbahan. Gusto lang daw niyang maalala ng publiko na isang magaling na tagapaglingkod ng Diyos.
"I want to be remembered that I was a good priest, that I served my people very very well," anang kardinal.