Kagubatan pagyamanin
Source: www.kabayanonline.com

anarule.gif (1534 bytes)

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

MADALING isisi sa mga professional at illegal loggers ang responsibilidad sa mga namatay at nawalang ari-arian sa paghagupit ng sakuna sa Quezon at Aurora.

Magkakaisa ang lahat na ang pagkasira ng kalikasan na nagsanhi ng mudslide at flash floods na ikinamatay ng tinatayang 1,400 katao noong nakaraang linggo, ay ginawa sa loob ng ilang dekada at napigilan sana ito noon pa.

Posibleng may punto ang argumento na ang total ban sa commercial logging ay hindi tutugon sa pagkasira sa kalikasan.

Ngunit nagkakaisa ang mga eksperto na ang pagkasira ng ating kagubatan sa bansa ay nakaaalarma na dahil sa kabiguang ipatupad ang forestry laws sa nagdaang tatlong dekada. Ang flash floods na kumitil ng daang katao sa Ormoc, Leyte, noong 1990s ay naging aral na sana sa buong bansa na piniling balewalain. Naglunsad sana tayo ng pagpupunyagi upang mapayaman ang kagubatan, na binalewala ng lokal at dayuhang negosyante pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang problema sa pagtotroso sa Pilipinas ay matutunton sa polisiya ng gobyerno na sinimulan limang dekada na ang nakararaan na hindi mababago sa isang iglap lang.

Ang desisyon ni Pangulong Arroyo na pagsuspinde sa lahat ng logging permits sa bansa ay karapat-dapat na solusyon.

Kailangan na nating itigil ang pagyurak sa ating kagubatan.

Ang pagtatalaga ng Pangulo ng mangangasiwa sa reforestation ay hakbang tungo sa tamang direksyon. Alam ito ni retired general Victor N. Corpus, dating rebelde ang kagubatan. Umaasa tayong hindi niya tayo bibiguin.

Samantala hindi lamang kay Corpus nakaatang ang responsibilidad. Maaari ring maging bahagi nito ang ibang ahensya. Sa pamamagitan ng Department of Education, dapat maitanim sa isip ng kabataan ang halaga ng pagpapayaman sa kalikasan.

Magandang proyekto rin ang regular na pagtatanim ng puno.

Dapat namang papanagutin ng Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan ang illegal loggers sa kanilang nagawang krimen at ang pag-iingat sa kagubatan bilang bahagi ng ating pambansang kamalayan.