Lagim ng martial law

Lagim ng Martial Law: Kwento nina Ricky Lee at Joel Lamangan
Itinanghal ng Pipol noong Setyembre 20

anarule.gif (1534 bytes)

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

"Yung kumbinasyon ng galit at pag-asa, ang tawag ko doon ay silakbo. Ang writer dapat may silakbo." -- Ricky Lee

Sa mahigit 100 script na ang aking naisapelikula, karamihan dito ay produkto ng aking karanasan noong rehimeng Marcos.

Madali kong naintindihan noon ang mga hinaing at paghihirap ng sambayanan dahil ako mismo ay biktima rin ng kahirapan.

Sa edad na 12, ulila na ako sa magulang, istokwa mula sa Bicol at namuhay mag-isa dito sa Maynila.

Kailangan kong makatapos. Kailangan kong buhayin ang sarili ko. Mag-isa lang kasi ako, wala akong tatakbuhang kamag-anak.

Bata pa lang hilig ko na ang magbasa ng libro. Nagsimula akong magsulat ng maiikling kwento.

High school pa lang nanalo na ako ng Palanca Awards.

Naging iskolar ako sa Unibersidad ng Pilipinas at naging kalihim sa Kaunlaran ng Sambayanan ng Samahang Panulat o Paksa, isang grupo ng mga estudyanteng aktibista.

Andito ako ngayon sa UP, ito 'yung mundo ko noong early 70's bilang isang estudyante. Dito ako nag-aral . Dito ako nakatira. Ito 'yung Narra Residence Hall . Dito ako tumira noon sa UP, dito ako inabutan ng martial law.

AB English ako noon sa UP. Madalas sa AS ako. Dito rin madalas nag-uumpukan ang mga estudyante kapag magra-rally na usually kasama ako.


Ang Oblation ang paboritong ng piket at naging sentro ng pinakamalaking rally na pinamunuan ng libo-libong estudyante. Kilala ang protestang ito sa First Quarter Storm.

Marami noon nakabarikada dito e, nagkaroon ng time na hindi makapsok ang taga-labas. Sinakop ng mga estudyante ang UP. Noon dito sa UP kahit saang sulok ka pumunta may mga grupo-grupo at umpukan ng mga estudyante na nagdi -discuss lahat ng sitwasyon dito sa lipunan, sa gobyerno, pinag-uusapan, buhay na buhay masiglang-masigla.

Noong kinuha ako para ma -involve sa activism mostly dahil writer ako. So may feeling ako na makakatulong ako. Makakapagsulat ako, makakagawa ako ng propaganda works. Makakagawa ako ng translations so you feel good na nakakaambag ka nakakatulong ka.

Kapag ako'y nalulungkot at nade-depressed dito ako bumabalik sa UP. Ito 'yung masasabi kong sanktuwaryo ng aking pagkatao.

N'ong gumawa ako ng pelikulang 'Moral' nai-suggest ko kay Marilou [Diaz-Abaya] na rito mag-shooting ng isang eksena kasi kwento iyon ng apat na studyante sa UP at namundok.

Sa beliefs, 'yung Andrea ni Nora Aunor na babaeng NPA (New People's Army) na hanggang sa ending hindi niya isinuko ang kanyang paninindigan kaya pinatay siya ng military in the end but proud siya.

May mga ganon na naipapasok mo naman 'yung beliefs mo pero hindi ibig sabihin NPA. Ako hindi naman ako NPA e. Naiintindihan ko bilang isang writer [ang buhay ng NPA]. Kailangan naiintindihan mo.

Hindi ko natapos ang kolehiyo sa UP. Mas importante ang pakikipaglaban sa diktadurya ni Marcos kaysa anumang diploma.

Exciting makasama sa aktibismo kasi 'yung para kang may pamilya, para kang may barkada feeling mo maski saan ka mapuntang rally, mga demo, maski saang probinsya, maski hindi mo kakilala magkakapatid kayo. Warm ang feeling n'yo sa isa't-isa may tiwala ka sa iba so you feel that you belong.

Ako mahiyain ako noon., bagong salta sa Maynila, may inferiority complex. Feeling ko mahirap na nga ako orphan pa. So pagharap mo sa kanila, tanggap ka nila e so masarap 'yung brotherhood.

Inorganisa ng samahan 'yung pagkatao ko, 'yung pag iisip ko and isang bagay 'yun na napakalaking tulong sa akin hanggang sa pagsusulat ko ng scripts ngayon hanggang sa pag-conduct ko ng buhay ko ngayon na hindi na nawala kailanman. So nabago no'n completely. Hindi lang 'yun kamalayan ko kundi 'yun inorganisa ako nung pagkilos ko noon bilang aktibista malaking bagay 'yun para sa akin.

Dekada '70 ang pinakamapanganib na panahon ng Batas Militar. Raid dito, raid doon, kahit sino pwedeng dakpin.

Walang korteng paglilitisan dahil guilty sinumang lumaban kay Marcos.

Nakikita mo mismo sa isang rally sa Luneta na may mga sniper na may nababaril sa harap mo habang nakadapa kayo. Nalalaman mo mismo na ibang mga kakilala bigla na lang nawawala, nadudukot sa rally.

Ito rin ang pinakamadilim na naging parte ng aking buhay.

Sumama ako sa underground movement, dalawang taong palipat-lipat ng bahay at nagtago sa alias na "Gerry."

Taon ng 1973 nang masakote ako ng militar at ikinulong sa Fort Bonifacio. Sa loob ng piitan naging masakitin ako at humina ang aking baga dala ng matinding depresyon.

Sulat ako nang sulat ng short stories. Hindi magaganda 'yung mga sinusulat ko. And then may feeling a ko na napakawalang silbi ko for that entire year tapos 'yung ibang mga kasamahan ko sa loob andaming nagagawa ako may sakit lagi nakahiga.

Tapos may feeling ako na hindi marinig ang boses ko sa gusto kong sabihin dahil napaka-incapacitated ko. And so I felt that I wanted to take control sa buhay ko. Isang desisyon ang biglang pumasok sa isip ko.

Bumili ako ng blade and then naglatag ako ng dyaryo sa katre para hindi marumi. So I slashed my [wrist] syempre after one ano hindi ko na pinunta sa kabila kase nung makita ko 'yung blood at may puti ay tama na yata so 'yun hinintay ko na lang.

Iyak ako nang iyak na nakaharap sa dingding dahil hiyang-hiya ako na maski iyon hindi ko magawa ng tama nandun sila Bien [Lumbrera] 'yung mga kasamahan. They were so concerned so pinabantayan nila ako.

"Tumutulong akong maghanap ng makakapag-donate para sa kanyang medicine, ng pera, ng pagkain para sa pang-araw-araw namin na buhay sa
detention," ani Lumbrera.

"Pagkatapos ng Martial Law si Ricky ay napunta na sa pelikula e. 'Yung sidhi niya sa mga kwento makikita yung commitment sa kilusan," ani Lumbrera.

Less involve ako organizationally ngayon I mean I have practically the same belief but less involve ako organizationally. After nung nangyari sa detention mas natakot ako sa sarili kong kapasidad. Organizationally meron akong ganong kahinaan na inaamin ko but yung sympathy and beliefs hindi naman nagbabago 'yun e.

Sabi nila nakamit ko na ang rurok ng tagumpay bilang isang manunulat.

Pero higit sa pagkilala, nakatuon ang pansin ko sa mga bagong usbong na manunulat na gaya ko ay dumaan sa mga hirap at batikos. Sa kanila ko ibinubuhos ngayon ang aking talento dahil ito ang tangi kong maiaambag sa bagong henerasyon.

Madalas ko ngang sinasabi sa mga workshoppers ko at sa mga baguhang writers d'yan sa ABS-CBN, 'Hindi ka magiging mahusay na writer kung nakakulong ka lang. Kailangan maamoy mo 'yung kalsada, kailangan matapakan ka ng mga ibang nagra-rally. Kailangan matikman mo man lang ang teargas o ano. Kasi hindi pwedeng nire-research mo lahat ito at saka mo isusulat.'

Kapag nililingon ko ang mahigit tatlong dekada ng aking nakaraan, wala akong naramdamang pagsisisi sa lahat ng ginawa ko -- ang pagtakas sa probinsya, ang pagiging aktibista, ang tangkang pagsu-suicide.

Sa pira-pirasong mga karanasang ito ay nabuo ang pagkatao ko na ngayo’y nagsisilbing mayamang materyal para sa aking pagsusulat.

***

"Kaya lang pagkatapos ni Marcos ganon pa rin ang nangyari hindi naman napalitan. Ang napalitan ay mga mukha ng mga taong nandoon pero hindi napalitan ang sistema." -- Joel Lamangan

Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas. Pero hindi pa rin nakakalimutan ang bagsik na iniwan ng Batas Militar.

Libo-libo ang nag-aklas. Libo-libo rin ang nasaktan at naparusahan.

Bawat isang imahe nito nakatatak pa rin sa isip ko.

Dahil ako si Joel Lamangan -- isang direktor, isang biktima ng Martial Law.

Akala ko nga patay na ko e dahil pinatakbo ako dahil wala silang makuha sa akin sa mga tinatanong nila…pumutok ang ulo ko.

Dito sa Cavite ako ipinanganak at lumaki, sa lugar na unang idineklara ang kalayaan ng Pilipinas.

Pero kakatwa dahil dito ko nakita kung paanong sakop pa rin tayo ng ibang bansa at ituring na mababa sa sariling lupain.

Kapag summer nagtatrabaho ako sa Sangley Point, nakita ko kung paano tratuhin ng mga Amerikano ang kapwa ko Pilipino na nagtatrabaho sa loob ng base.

Bakit kinakapkapan lahat kami kapag kami’y umuuwi dahil magnanakaw kaming lahat. Bakit 'yung mga Amerikano hindi kinakapkapan, tumitimo na [ito]sa akin noon pa.

Sa edad 17, lumuwas ako ng Maynila para magkolehiyo.

Lalong lumawak ang aking kaalaman sa mga suliranin ng bansa.

Sumama ako sa Lyceum Student for Reform Movement at nagsimulang maging aktibista.

Ako ang kauna-unahang nagtatag ng Kabataang Makabayan sa Cavite at ako ang kauna-unahang nag-organize ng jeepney strike sa lungsod ng Cavite noong mga panahon na 'yun. Kaya ako ay napatalsik sa probinsya. Natanggal ako sa Lyceum. Pinatalsik ako ng mga may-ari dahil isa ako sa mga pinagbintangan na bumasag ng bintana dahil nagkaroon ng rally against tuition hike at hindi na ako naka-enroll sa Lyceum. Lumipat ako sa UP at duon na ako nagtagal.

Sa UP naging miyembro ako ng Beta Sigma fraternity, isang grupo ng mga aktibista ng unibersidad.

Ang dekada '70 ang may pinakamarami at magulong pag-aaklas sa kasaysayan ng Pilipinas. Matindi ang layunin ng mga kabataang tulad ko na sabihin at labanan ang diktaduryang gobyerno ni Marcos.

"Si Joel malakas ang dating niyan e. Hindi dahil sa malaki siyang tao kundi assertive siya sa kanyang mga opinyon at maging sa kanyang praktis sa theater," ani Boni Ilagan, kaibigan ni Lamangan.

Nang ideklara ni Marcos ang martial law, nasa unang taon pa lang ako ng kursong Philippine Studies sa UP. Isa ako sa maraming aktibistang nag-underground.

Taon ng 1973 nang una akong mahuli ng mga militar at ikulong sa Camp Vicente Lim.

Inabangan ako sa Lemery, Batangas... ang nagpahirap sa akin 'yung MIG, Military Intelligence Group. Dalawang linggo akong incommunicado, wala akong nakikita. Sa pag-i-interrogate kasama na doon ang torture. 'Yung pag-upo sa yelo, 'yung paghubad-hubad ka, pag suntok-suntok kung saan-saan, paso ng sigarilyo, kulata ng baril, para lang umamin sa kasalanang hindi mo naman ginawa.

Dalawang taon bago ako nakalaya. Dahil sa likas kong hilig ang sining sumali ako sa Philippine Educational Theater Association o PETA.

Dito ako naging direktor at artista. Ginamit ko ang teatro para maimulat sa mga tao ang suliranin at problema ng bansa.

Taong 1977 muli akong natimbog ng militar at ikinulong sa Bicutan.

'Yung pangalawang pagkakulong hindi ganon kalaki ang torture pero isinama naman kami sa mga totoong mga kriminal. Tatratuhin kang pinakamababang uri ng tao sa balat ng lupa, gagawin kang piyesa, taga-aliw nila, ire-rape ka, gagawin kang electric fan, kalesa. Lahat gagawin sa 'yo ng mga kriminal.

"'Yung experience niya sa detention makes him stronger at ngayon ay nakikita at nagsu-surface sa kanyang obra," ani Ilagan.

Makagawa na ako ng maraming pelikula bilang direktor.

Ang mga tropeong [natanggap ko] ang itinuturing kong kayamanan.

Ang mga karanasan ko sa lansangan hanggang sa kulungan ang hinuhugutan ko ng inspirasyon sa paggawa ng mga pelikulang may silbi sa lipunan.

Hanggang ngayon, lumalabas pa rin ako sa kalsada para magprotesta upang ipaglaban ang aking paniniwala.

Patuloy ko pa ring ipapakita sa aking mga obra ang mga pitik ng hinaing ng mamamayan sa gobyerno.

Kaya lang pagkatapos ni Marcos gano'n pa rin ang nangyari hindi naman napalitan. Ang napalitan ay mga mukha ng mga taong nandoon pero hindi napalitan ang sistema. Gano'n pa rin ang pang-aapi lalo ngayon marami ang mahihirap sandamukal ang panloloko at panlilinlang pilit tinatakpan ang katotohanan.