Mamamatay sa daan
SAPOL Ni Jarius Bondoc
Ang Pilipino STAR Ngayon 06/24/2005

anarule.gif (1534 bytes)

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

WALUMPU’T limang porsiyento ng aksidente sa kalye–mahigit apat sa bawat lima–ay dahil sa driver error, anang Land Transportation Office. Nakabangga sila ng ibang sasakyang umaandar o nakahinto, tao o poste dahil namiskalkula ang pagmamaneho. May kumakaskas, may pa-ekis-ekis sa lanes, may hindi tumitingin sa daan, may lasing o bangag, may antok o impatyo. Dumadami ang aksidenteng dulot ng overspeeding, overloading, at maling pag-overtake–halos 10 ulit ang nilaki.

Namimihasa na ang reckless drivers. Akala nila hari sila ng kalsada kapag nakahawak sa manibela. Hindi marunong magbigay sa pedestrians o mas maliit na sasakyan (bisikleta, tricycle), at sa kapwa motorista. Imbis na mag-slow down o magpreno, dinadaan sa busina at flashing headlight ang maniobra. Kulang sila sa disiplina dahil walang sumisita. Sa Metro Manila traffic enforcers na hindi nakakaintindi ng pagmamaneho o ng batas, at hindi nirerespeto ng motorista, ang namamahala. Sa ibang pook walang pulis na nagta-trapik dahil ang gusto’y puro special investigation, o special weapons and tactics, o special jueteng payola.

Ang natirang 15 porsiyento ng mga aksidente ay dahil sa kapabayaan ng ibang sektor. Merong palpak na paggawa o repair ng sasakyan, lalo na ng local jeeps, kaya biglang nababalian ng ehe, nawawalan ng preno o nabubunot ang manibela. Dapat papanagutin ng Department of Trade ang mga pabayang assembler at talyer.

Meron ding pabayang opisyales at kawani ng gobyerno. Sa Metro Manila uli, halimbawa, nagkalat ang concrete dividers. Dahil nangingitim sa dumi at hindi pinturado ng reflectorized, hindi ito makita sa gabi kaya nabubundol. Wasak ang kotse, ospital ang tsuper. Sa maraming lugar sa Pilipinas, maraming wasak na kalsada na hindi agad nire-repair. O kaya’y nire-repair nga, pero wala namang ilaw o marker sa gabi. Marami tuloy nahuhulog sa hukay at nasasaktan.

Tungkulin ng Department of Transportation ang road safety. Pero dapat ito makipag-ugnay sa Department of Trade, Public Works, Interior, at MMDA sa wastong pangangalaga ng kaayusan sa kalye. Kung hindi, patuloy na dadami ang mamamatay at pumapatay sa kalsada.