Marina Aranzado: Unang gurong Mangyan sa Galera

anarule.gif (1534 bytes)

Source: www.abs-cbnnews.com

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may panibagong "window" na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Isang katutubong Mangyan ang ngayo'y nagbibigay ng pag-asa at kaalaman sa kanyang mga ka-tribo.

Bago pa man naging sikat ang mga beach ng Puerto Galera sa mga dayuhan at tagalog ay tahanan na ito ng mga katutubong Mangyan.

Sa bulubundukin ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro ay naninirahan ang tribong Iraya ng mga Mangyan. Pagtatanim at pagkakaingin ang kanilang ikinabubuhay. Hindi sila nakapag-aral.

Ito ang kinamulatang buhay ng mga Mangyan gaya ni Marina Aranzado.

"Gusto ko lang ipaalam sa kanila na hindi po porke't Mangyan ay walang interes sa pag-aaral o kaya’y walang mararating. Gusto kong isipin nila na kapag Mangyan ka, dapat kang magsumikap, mas lalo kang magsumikap sa pangarap mo sa buhay," ani Marina.

"Nung bata pa po ako, wala po akong pangarap. Palibhasa’y nasa bundok kami wala akong nakikitang mga sasakyan, mga building, puro kagubatan. Parang para sa aking sarili, kuntento na po ako kung ano 'yung buhay ko doon. Hindi na po ako nagangarap na makababa sa patag."

Pero hindi na sa bundok nakatira ang mga Mangyan na gaya ni Marina at hindi na rin siya isang mangmang na katutubo.

Ma’am Marina, ito na ang tawag sa kanya ngayon ng mga kabataang Mangyan. Siya ang ipinagmamalaking modelo ng mga Iraya sa Galera.

"Gusto ko talagang maging teacher tsaka gusto ko 'yung binabati ako sa daan yung 'Ma’am, Ma’am.' Gustong-gusto ko iyon. Gusto ko 'yung binabati ako ng mga bata," aniya.

Ipinagmamalaki rin siya ng mga magulang niya.

"Tuwang-tuwa ako dahil nagkaroon ako ng pangarap naming mag-asawa na... magkaroon ng nakatapos na ana," ani Isidro Aranzado.

Sa edad na 21 ay naging guro na si Marina ng mga grade 2 sa Talipanan Mangyan School. Siya ang kauna-unahang Mangyan na nakapasa sa board exam para maging guro.

Math, English at Pilipino ang mga asignaturang tinuturo ni Marina pero higit pa rito ang nais niyang ibahagi sa mga mag-aaral. Natutuwa raw siyang magturo sa mga bata dahil nakikita niya ang sarili sa kanila. "Hindi ko po sila itinuturing na parang estudyante lang iniisip ko na ito 'yung mga katribo ko, ito 'yung mga batang pangarap ko dating turuan."

Si Marina ang simbolo ng pagbabago para sa mga batang Mangyan.

Ayon kay Marina isang gurong Tagalog ang naging inspirasyon niya para maging isang guro. Siya si Ma'am Rebecca.

Ani Ma. Rebecca Presentacion, nakitaan niya ng kakaibang sigasig sa pag-aaral si Marina. "Simula pa sa pagpasok niya makikita mo talaga ang kabaitan, ang kanyang kagalingan sa pag-aaral sa kabila ng kahirapan nila," ani Rebecca. "Kahit hindi siya kumakain ng almusal ay makikita mo siya sa loob ng paaralan."

Nakita raw ni Marina kung ano ang pagkakaiba ng katayuan sa buhay ng isang Tagalog at Mangyan.

"Parang nakita ko po 'yung kung ano 'yung katayuan ng Tagalog at Mangyan. Parang sa pang-araw-araw ko pong pamumuhay, dun ko po naisip na mas lalo pang mag-aral dahil parang mababa po baga ang lebel ng mga Mangyan kung ituring po dito," ani Marina.

Matagal nang problema ang rebelyon sa Mindoro. Pero ito ang naging dahilan para bumaba sa kabundukan ang tribong Mangyan.. Dito na nagbago ang buhay ni Marina. "There were some conflict between the NPA (New People's Army) and the military. They were fighting so at that time Bea Zobel, she’s the one who approach them. She gave them the lupa," ani Sister Usha Mathias Macwan.

Mula elementarya hanggang kolehiyo, sagot ng Ayala Foundation ang pag aaral ng mga Mangyan tulad ni Marina. Katuwang ng foundation ang mga madre ng Sisters of Charity of St. Anne sa pangangalaga sa mga katutubo.

"Pagbaba ho namin dito, sila na ho agad ang nag-intindi sa amin. Pinagpagawa kami ng school tapos para ho ma-encourage 'yung mga batang mag-aral ay may libre hong pagkain minsan ho 'yung mga school supplies ay libre tapos 'yung mga uniform," ani Marina.

Sa Sitio Talipanan nagdalaga si Marina. Dito rin siya nadestino para magturo. Kung tutuusin maaaring magturo si Marina sa mauunlad na lungsod kagaya ng Maynila pero pinili niyang maglingkod sa mga ka-tribo.

"Gusto ko hong tulungan sila na ipaalam sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon," ani Marina.

"Talagang dinalangin namin sa Panginoon ay sana naman kung makatapos siya ay dito siya mapadpad sa amin dahil para ang kanyang mga kamag anak ang kanyang mga pamangkin at iba pang mga Mangyan ay matulungan niya at makita na talagang ganito pala ang maging buhay ng isang maestra, para maging uliran maging damdamin din sa ibang estudyanteng Mangyan," ani Mang Isidro.

Kapag wala sa paaralan at hindi gumagawa ng lesson plan ay tinutulungan ni Marina ang mga magulang na maghabi ng mga inilalakong banga gawa sa pawid. Bahagi ito ng kultura na ipinagpapatuloy ng pamilya niya.

Malaki ang naitulong ng kinikita ni Marina para sa kanyang pamilya. Ang unang sweldo niya ay iniregalo niya sa kanyang mga magulang.

"Kaunti pa ang sweldo yata niya e inipon-ipon niya tapos nagpunta kami ng Maynila," anang ama ni Marina. Ibinili raw ng guro ng mga kagamitan tulad ng telebisyon ang pamilya niya.

"Natatandaan ko po iyong sa mga magulang ko e 'yung nakikita ko 'yung pera nila na P20 sa wallet nila 'yun na po ang pinakamalakaing pera nila. Ang gusto ko po kasi ay mapasaya ko ang magulang ko. Gusto ko naman makapahinga sila. 'Yun po ang gusto ko sa buhay," ani Marina.

Malayo na nga ang itsura ng isla kaysa sa munting bayan na kinalakihan ni Marina. Maunlad na raw ito ayon sa mga dayo. Pero para kay Marina na isang katutubo at tunay na taga-Puerto Galera ay nangangahulugan na mas marami pang bata ang makakapag-aral sa pag-unlad ng lugar.