Nadagdagan pa ang nagugutom
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at
may separate
window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)
AT halip na mabawasan ang mga nagugutom na Pinoy, nadagdagan pa. At
walang ibang sinisisi rito kundi ang patuloy na pagtaas ng petroleum products sa
pandaigdigang pamilihan. Apektado ang maliliit na bansa gaya ng Pilipinas sa pagtaas ng
produktong petrolyo na pumapalo na sa $60 isang bariles. Nakadagdag din sa paghihirap ng
buhay ang mabuway na ekonomiya ng bansa na pinatitindi ng isyung pulitikal. Natitigatig
ang mga dayuhang negosyante sa lumalalang krisis sa pulitika kaugnay ng pagsambulat ng
"Gloria-Garci" tapes kung saan pinag-uusapan ang pagdaya sa 2004 elections.
Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) tumaas ang porsiyento ng mga nagugutom
sa Metro Manila noong nakaraang buwan. Mula sa dating 7.7 percent noong March naging 12
percent na ito. Bumaba naman ang porsiyento ng mga nagugutom sa Mindanao. Mula sa dating
14.3 percent noong March ay bumagsak ito sa 5.3 percent na lamang. Tumaas din ang
porsiyento ng mga nagugutom sa Luzon noong May kung saan naging 15 percent ang nagugutom
kumpara sa dating 13.7 noong March. Ang mga nagugutom sa Visayas ay walang pagbabago.
Nananatiling 13.7 ang mga nakararanas ng pagkagutom sa nasabing lugar.
Patuloy ang paghihirap ng mga mahihirap at siyempre patuloy din ang pagdami ng mga hindi
na kumakain. Noong nakaraang taon, isang ama sa Cavite ang namatayan ng dalawang anak
makaraang pulutin ang panis na litsong manok sa basurahang malapit sa isang mall at saka
ipinakain sa pamilya. Sa kagustuhang malunasan ang nadaramang gutom ng pamilya, pati
pagkain sa basurahan ay pinulot. Kung ganitong nadagdagan ang mga nagugutom dito sa Metro
Manila, hindi malayong ang ginawa ng ama ay mangyari rin dito. Baka dumami ang mga
kapus-palad na umaasa ng grasya sa basurahan.
Pagtaas ng presyo ng petroleum products ang pangunahing dahilan ng paghihirap at ikalawa
ang lumalalang isyung pulitikal. Sabi naman ni Presidente Arroyo hindi siya tumitigil sa
paggawa ng paraan para hindi maging mabigat ang pasanin ng mahihirap sa walang tigil na
pagtaas ng gas. Nararamdaman din daw niya ang nararamdaman ng mga kapus-palad. Hinihiling
niya sa taumbayan na magtiiis pa at malapit nang magkaroon ng bunga ang mga sinusulong
niyang reporma sa ekonomiya.
Sana nga ay nararamdaman ng Presidente ang damdamin ng mga dahop. Sana nga ay matapos na
ang pagtitiis. Sana ay makita at madama ang ginagawang reporma.