Pagkaing Pagpag
Itinanghal ng Probe
Marso 9, 2006
Source:
www.abs-cbnnews.com

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at
may separate
window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Karapatan ng mga bata ang magkaroon ng sapat na pagkain, malusog
at aktibong katawan. Pero paano kung namulat sila sa panis at
pinagsawang pagkain ng kanilang mundo? Sa ulat ng Probe, saksihan
ang buhay ng mga batang mangangalahig at ang pagkain nilang kung
tawagin ay pagpag.
Masarap ang tikoy kapag ito’y naibabad sa itlog at bagong luto.
Pero kakainin pa ba ninyo ito kapag nalaman ninyong sa basura
nanggaling?
Ito ang pagkain ng pamilya Macopia. Pinulot mula sa basurahan ng
11-taong-gulang na si Dayang.
Tinanggal lamang ni Aling Lourdes, nanay ni Dayang, ang
nangingitim at inaamag na bahagi ng tikoy. Ibinabad sa itlog saka
ipinirito. Nang maluto, sarap na sarap na pinagpiyestahan ng mga
Macopia ang tikoy.
Araw-araw namumulot ng basura si Dayang kasama ang matalik na
kaibigang si Angela
Plastic, lata, bakal, bote, karton o anumang puwedeng i-recycle,
kinukolekta ni Dayang para ipagbili upang magkaroon ng perang
pambili ng pagkain.
Pero mas sabik si Dayang na makahanap ng pagkain. Mas importante
raw ito kaysa sa mga recyclables.
Pinatunayan ni Dayang sa Probe na talagang may pagkain sa basura.
"Tinapay po, minsan prutas, minsan po mga isda o kaya manok," ani
Dayang.
May napulot si Dayang na taba ng baboy mula sa tambak ng basura
na kinalkal niya. Inadobo para maging ulam ng kanyang pamilya.
Pagpag ang tawag sa mga pagkaing napupulot sa basurahan.
"Kaya daw po tinawag na pagpag ‘yun. Kasi minsan ‘di ba may uod
‘di ba? Ipapagpag mo ng ganun, eh ‘di matatanggal na nga sila. Kaya
tinawag na pagpag," paliwanag ni Aling Lourdes.
Pataan pa lamang ang araw, lumulusong na sina Dayang at Angela sa
basurahan.
Ang mga bagay bagay na hindi natin kailangan sa basurahan
napupunta. Pero sa mga katulad nina Dayang at Angela, sa basurahan
nila kinukuha ang kanilang kakainin.
Nakikipag-unahan sina Dayang at Angela sa napakaraming langaw sa
paghahanap sa basurahan ng mga itinapong pagkain ng mga taong
nakaaangat ang pamumuhay.
Kahit ganito ang sitwasyon, sinabi ni Dayang na masaya siya sa
ginagawa niyang araw-araw na pagkalkal ng basura upang makakita ng
mga tira-tirang pagkain.
"Kasi po dito po galing ‘yung pinupulot ko pong pagkain. Kasi po
‘yung tira-tira ng mayayaman tinatapon na po nila tapos kinukuha po
namin," sabi ni Dayang.
Mula noong ipanganak si Dayang pagpag na ang kadalasang kinakain
niya. Nakamulatan na rin ni Dayang ang pangangalahig.
Nangangalahig ang mga magulang ni Dayang pero sa walong
magkakapatid, siya lamang ang sumunod sa yapak ng mga magulang.
Sa kagustuhang makatulong sa mga magulang, madalas napapadpad si
Dayang sa basurahan.
"Kasi po kapag hindi po ako naghahapit, wala din po akong pambaon,"
ani Dayang.
Sabi ng ina ni Dayang, lagi siyang liban sa klase dahil ang
inuuna talaga ng kanyang anak ay ang pangangalahig ng basura.
Dahil sa basura, natutong kumita ng pera si Dayang dahil alam
niyang mas kailangan ito ng kanyang pamilya. Bukod sa pera, iniisip
din ni Dayang ang kakainin ng kanyang mga kapatid.
"Mahirap pagsabihan ‘yan, matigas ang ulo Kahit na ipilit mo sa
kanya na papasok ka ngayon ha. Hindi ‘yan kikibo. Kahit sabihin ng
tatay niya na papasok ka Dayang subukan mong ‘wag pumasok. Maya maya
wala na, hindi mo makita. Papaano mo papaanuhin ‘yan para pumasok?"
kuwento ni Aling Lourdes.
Ang pagmamalasakit din sa pamilya ang dahilan ni Angela kaya
palaging nakabuntot kay Dayang.
"Naging mabait po siya sa akin. Lagi niya po akong sinasama kahit
po saan po pumunta. Gayahin ko rin po si Dayang, tumutulong sa
magulang niya," ani Angela.
Pulot dito, halukay doon. Talagang binubusisi nina Dayang at
Angela ang tambak ng basura.
Gamit ang kalahig, plastic at mga pagkaing nabubulok na ang
puntirya nina Angela at Dayang.
Kasabay nilang nangangalahig ang nanay ni Dayang na si Lourdes.
Isang plastic ng nabubulok nang gulay na galing sa SM Supermarket
ang kanyang nahukay.
Mula sa tambakan, diretso sa bahay ang mag-ina. Binanlawan ang
mga pagpag na nakuha – sitsaro at itlog na maalat. Sa parehong
palanggana ng tubig rin naghugas ng kamay si nanay Lourdes.
Kahit galing sa basurahan at marumi na, masarap pa rin para kina
Dayang ang napulot na pagpag. Mas masarap pa raw kaysa sa mga
binibiling isda at ibang binibiling pagkain at kahit na marumi,
tiwala silang hindi makakasama sa kanilang kalusugan ang pagkaing
pagpag.
"Kasi pinakukuluan naman po ‘yun ng mabuti," ani Aling Lourdes.
Totoong ang pagpapakulo o pag-iinit ng pagkain ay pumapatay ng
mikrobyo pero hindi pa rin mabuti sa katawan ang mga pagpag, ayon
kay Dra. Rebecca Abiog-Castro na isang nutrition specialist sa mga
bata.
"Siguro ‘yung mikrobyo baka pwedeng mamatay ulit, mamatay
whatever microbes are there. But the point is ‘yung sustansya ng
pagkain it may not be there anymore. ‘Di ba what we want is sa
pagkain is we get all the nutrients. Kasi for the food to be
preserved its nutrients dapat ‘yun nasa tamang temperature and
habang the more you cook it, several times, the more na ‘yung
substances, nutrients will be reduced," paliwanag ni Castro.
Idinagdag ni Castro na maaaring makuha sa pagkaing pagpag ang mga
sakit na Hepatitis A, typhoid, diarrhea at cholera.
Pero hindi natatakot ang mga Macopia. Katwiran nila, kahit isa sa
mga sakit na binanggit ni Dra. Castro ay hindi pa dumadapo sa kanila.
At sa awa ng Diyos ay buhay pa rin daw sila.
"Their immune systems must have been challenged a lot. So if you
are constantly exposed parati kang exposed ‘dun sa mga ganun, ‘dun
sa mga mikrobyo, ‘dun sa mga bacteria, you develop your immune
system, you produce anti-bodies. So baka ganun ang nangyayari sa
kanila. Hindi sila nagkakasakit kasi they’ve been exposed to this
kind of environment. So they have produced also a lot of
anti-bodies, which protect them from getting sick," pagtataya ni Dra.
Castro.
Agahan at tanghalian na nina Dayang ang pagpag na itlog at gabi.
Ang sitsaro naman ang kanilang hapunan noong araw na iyon.
Salamat sa pagpag, malaking tipid daw sa pagkain ang pamilya
Macopia. Kanin at sangkap o panahog sa ulam na lamang ang binibili
nila mula sa mga naibentang recyclables.
Gulay at manok ang mga paboritong pagkain ni Dayang. Araw-araw,
ito ang hanap niya sa pangangalahig – mga itinatapon ng mga
restawran o galing sa mga bahay-bahay.
"Sana po ‘yung mga tira tira nila, ipamahagi na lang po sa
mahihirap. Kasi po sila sinasayang lang po nila. Kapag binigay nila
kukunin ko po. Iuuwi ko po sa bahay tapos kakainin naming
magkakapatid kahit hindi na po ako kumain, basta po nakikita ko
silang kumakain at saka po busog," ani Dayang.
"Kasi po naawa po ako sa [mga kapatid ko] kapag nakatunganga
tapos manghihingi po sila ng pera kay nanay, naawa po ako kasi wala
rin pong mabibigay si nanay na pera."
Masayahing bata si Dayang. Laging nakangiti at napakagaang kasama.
Pero halata na may mabigat siyang dinadala. Gusto man tumigil sa
pangangalahig, hindi niya magawa.
"Sana po umahon po kami sa kahirapan. Kasi po nahihirapan na rin
po ako mamasura eh. Sana po may tumulong sa amin na ano grasya, sana
po may dumating sa amin na pagkain o kaya po, o kaya po pantulong po,"
umiiyak na hiling ng bata.