Itinanghal ng Kontrobersyal,
Oktubre 19, 2005; Sabado, 11:30 p.m.
Patay-sindi
ang ilaw sa kanilang bahay, parang Christmas light. Ipinakikita kasi sa amin
ng isang residente sa isang squatters area na si "Mang Nestor" (di-tunay na
pangalan) ang kanilang illegal connection ng kuryente o mas kilala bilang
“jumper."
Sa oras daw
na matanggal ito, sigurado mainit na at kung gabi, walang kasing dilim sa
kanilang buong komunidad.
"[So ito wala kayong kuntador?]," tanong ng Kotronbersyal.
Sagot ni Mang
Nesto, "Wala."
"Wala kayong
charge?" Wala, wala lahat, sagot ni Mang Nestor.
"Ilang bahay
'yan?"
Sagot niya: "Wala
pang 20 mga 18, 17 ang nakakonekta dito."
Sa
poste ng MERALCO nakakabit ang kanilang jumper.
Sa
pamamagitan lang ng maninipis na kable ay marami ang nakikinabang sa
kuryente.
Sino raw ba ang tatagal kung kahit ilaw, wala ka pa.
Kaya naman
ganoon na lang ang pagkapit nila baka kasi libre na mawala pa.
"Naano lang kami sa maliliit na bata.'Yun lang namin ang hinihiling namin
pag nag-raid sila inaano namin, maawa naman kayo sa mga bata. Walang
problema sa aming malalaki e pwede kaming matulog ng walang ilaw e kahit
magtiyaga lang kami sa katol. 'Yung bata na lang [ang kanilang isipin]," ani
Mang Nestor.
"Nakatulong sa amin 'yung liwanag ng bahay namin. Masaya kami dahil sa
nagkakaroon kami ng ilaw, TV, electric fan, kaso pagdating nga lang sa labas
illegal kami sa gobyerno. Nagnanakaw kami sa MERALCO," ani "Mang Ben."
Kung
hindi mahuhuli ng MERALCO, 24 oras nakakabit ang jumper sa poste. Ibig
sabihin magdamag silang may kuryente.
Malaki raw
ang pasasalamat ni Mang Ben, na siyam na taon nang residente dito. Marami
kasi siyang maliliit na anak na nakikinabang.
" 'Yun nga
medyo nakamenos kami pero 'yung dibdib namin parang kinakabahan din kami.
Kahit hatinggabi ay kinakabahan kami," ani Mang Ben.
"Nakakatakot
talaga unang una pag oras na mahuli ka kung ilang taon ka nakatira dun
babayaran mo sa MERALCO ang konsumo ng kuryente."
Mahirap man ang buhay nina Mang Ben, pangarap din niya ang magkaroon ng
legal na kuryente.
Pero kung
paano ay hindi raw niya alam.
"Dito hindi kasi hindi naaprubahan. Dati dito may sumubok kaya lang hindi
inaprubahan e. Sabi hindi raw dito inaaprubahan gawa ng squatter," ani Mang
Ben.
Ayon
sa MERALCO, dati ay hindi binibigyan ang mga nakatira sa mga lupang hindi
nila pag-aari.
Pero para
matulungan sila ay minarapat ng MERALCO na tulungan ang mahihirap sa
pamamagitan ng "depressed area electrification" para lehitimo silang
makakonsumo ng kuryente.
Ayon sa
MERALCO kahirapan daw ang madalas na dahilan ng mga taong nakatira sa
depressed areas kaya sila nagnanakaw ng kuryente. Pero hindi raw ito sapat
na rason para gumawa nang ilegal.
Sa 20 bahay
na meron sa lugar na ito, wala ni isa ang may kontador ng MERALCO.
"Itong pagja-jumper namin hindi namin talaga gusto ito kaso lang napilitan
kami sa kahirapan ng buhay namin. Tsaka dito wala kaming hanapbuhay na
maganda. Halos araw-araw ang mga tao dito ay nanunungkit ng basura sa ilog
para lang makapagkape sila," ani Mang Ben.
"Para po sa akin kakayanin ko kung may hanap-buhay po pero katulad po niyan
wala. Tama lang po sa pagkain namin ang kinikita namin sa paghahanap buhay
namin," ani "Aling Nora."
Ayon
naman sa MERALCO, hindi makatarungan ang katwiran ng mga tao dahil dapat daw
ang pagbayaran ang kinukunsumong enerhiya dahil binibili rin ito ng kompanya.
Madalas daw
nagiging sanhi ng sunog ang mga ilegal na koneksyon ng kuryente ayon sa
MERALCO, lalo raw sa mga depressed area.
Bunsod daw
ito ng mga substandard equipment na ginagamit sa paggawa ng jumper -- mga
putol-putol na kable na pinagdugtong-dugtong.
Pero hindi lang daw mahihirap ang kumakabit sa pamamagitan ng jumper.
Marami rin
daw sa mayayaman at malalaking kompanya ang gumagawa nito. Isinasabay na raw
ito sa pagpapatayo ng bahay o building, in short, built-in na ang mga
jumper.
Ayon sa MERALCO marami ang mga nagnanakaw na malalakas gumamit ng kuryente
tulad ng mga bahay na may air-condition nang 24 na oras at mga pabrikang
malakas kumunsumo ng kuryente.
Madaling
araw daw kung mag-inspeksyon ang MERALCO para mahuli ang ganitong mga
kompanya.
Republic Act
7832 o mas kilala bilang Pilferage Act, ang batas na sumasakop sa mga
nagnanakaw ng kuryente. Itinuturing itong kasong kriminal.
Sa Section 7
ng batas na ito ay nakasaad na sino man ang mahuling nagnanakaw ng kuryente
ay magmumulta ng mula P10,000 hanggang P20,000 o kaya’y prison mayor o
pagkakakulong ng mula anim hanggang 12 taon ang parusa.
Bukod dito ay kailangan din bayaran ang kuryenteng ginamit sa mga taong
ilegal ang koneksyon ng may sala.
Pwede ring kasuhan ang sinumang mahuhuling nagkakabit ng jumper.
Ayon sa MERALCO bumaba na nga raw ang bilang ng mga ilegal na koneksyon pero
hindi pa rin tuluyang nawawala.
Tubig
Sa haba ng
pila-balde at dami ng mga nasasalok na tubig ng mga residente ay hindi
kikita ang Maynilad sa kanila.
Nagmumula
kasi mismo sa punong linya ng tubo ng Maynilad ang tubig na lumalabas dito.
Si "Mang Jun" ang may ari ng posong ito. Dalawang klase ng linya ng tubig
ang pinagkukunan niya. Kung meron siyang ilegal ay meron din naman daw
siyang legal na linya ng tubig.
Marami raw residente sa kanila ang walang sariling kuntador ng tubig.
Kaya naisipan
niyang tumulong.
"Pagka merong
makikiigib s'yempre matatanggihan mo ba 'yun.... bibigyan mo 'yun. Para
makamenos ka naman kung meron kang ilegal, iilegal mo 'yun para makamenos ka
naman ng konti, makatipid ka," ani Mang Jun.
Tipid na ang mga kapitbahay sa ilegal na tubig, kumikita rin si Mang Jun
dito.
Sumisingil
siya ng P0.50 kada timba ng tubig.
Tama
lang daw itong pambawi sa buwanang metro niya. Kung minsan kasi kinokonekta
niya rin ito sa legal.
"Kung minsan
pinakakain din namin sa metro gawa ng inaaalala namin 'yung magmemetro baka
naman magtaka yung nagre-reading. Masyadong mababa," ani Mang Ben.
Takot si Mang
Ben na mahuli ng Maynilad.
Pero dahil
marami ang nakikinabang dito, lahat ng tao sa kanilang lugar laging
nakaalerto pagdating ng inspektor ng tubig.
"S'yempre alam mo 'yung mga araw ng pagre-reading. Alam mo 'yung araw at
petsa so magkabit ka man ng ilegal kung inaakala mong magre-reading ,
ilalagay mo na sa metro," ani Mang Jun.
Hindi raw malaking kawalan sa Maynilad ang ilegal na linya ng tubig kaya
malinis daw ang konsensiya ni Mang Jun sa pagtulong raw niya sa kapwa.
"One-fourth
lang ang nakukuha namin sa kanila. Sa nakukuha namin na one-fourth marami
ang nakikinabang. Hindi pa rin sila lugi gawa ng sa dami ng nakikinabang
yung one-fourth na pakinabang namin sa NAWASA kami rin nama’y
pinakikinabangan din naman 'yung one-fourth na 'yun sa mga taong-bayan din
naman napupunta 'yun e," ani Mang Jun.
Kung may 30 bahay sa barangay nina Mang Jun, pito lang silang may kontador
ng tubig.
Ang
natitirang 23 ay pawang nagbabayad lang para makaigib. Isa na rito si
"Jeffrey."
Hindi na siya
nangangarap pa na magkaroon ng sariling kontador dahil P8,000 ang
kakailanganin sa pag-aaply nito.
"Kasi ang
taas po ng hinihingi sa pag-aaply kaya hindi po kami makapag-apply dahil
mahirap lang po ang buhay namin," ani Jeffrey.
Ayon
sa Maynilad, mabigat talaga sa bulsa ang paunang bayad sa pagpapakabit ng
kuntador pero niluluwagan daw din nila ang mga nag-aaply.
Tulad ng kuryenye, sa tubig, kahit sa malalaking subdibisyon ay may gumagawa
ng ilegal para mabawasan ang bayarin.
Pangunahing pangangailangan ang tubig kaya ang regular na pagsingil ng
pagkonsumo nito ay para rin daw sa pagsasaayos ng serbisyo sa tao.
Pero sa mga tulad ni Jeffrey na walang permanenteng trabaho ay titiisinna
lang niya ang paulit-ulit na pag-iigib at pagbabayad ng barya kada timba.
"Kasi po kung sa araw-araw na dumadaan kung meron lang po kaming halagang
P5, may tubig na po kami. E kung may sarili po kaming kuntador kung wala
kaming halagang P200, wala kaming ibabayad sa bill namin sa tubig. hindi po
gaya ng may barya," ani Jeffrey.
Sa
oras daw na magpalit na ang Maynilad ng kanilang water pipes ay mahihirapan
na raw ang mga gumagawa ng ilegal.
"Talagang
mahihirapan pag nailipat na lahat ng tubig na 'yan sa bagong kuwan talagang
mahihirapan kapag nailipat yan. Sa ngayon hindi pa. Pero pag nailipat 'yan,
wala na talagang... hirap na ang mga tao dito sa tubig," ani Mang Ben.
Kung ang pipes ay mapapalitan, sa kwento ni Jeffrey, mahihirapan putulin ang
kultura ng suhol at pag-aareglo.
"Halimbawa po nahuli na po sila... o ilegal 'yan mumulta kayo puputulan
kayo. Ang gagawin po ng may-ari po ng linya ng tubig aaregluhin na lang po.
Kung pwede pakikiusapan kung pwede 'yung ganun halaga at nagkasundo hindi na
po pararatingin dun. Kung hindi naman po nagkasundo tutuluyan po 'yun
puputulan po 'yung linya nila... sa maliit P1000, sa malaki P3000," ani
Jeffrey.
Ipinagbabawal
din ng batas ang illegal connection ng tubig ganoon din ang pagbebenta ng
nakaw na tubig. Pagkakakulong at multa rin ang kaparusahan.
'Yun nga lang,
mahirap mabuko ang prueba.
Ayon sa Maynilad, hindi tulad sa MERALCO na kita agad ang pruweba ng ilegal
na koneksyon, mahirap raw ang paghuhukay para mapatunayang ilegal ang
koneksyon ng tubig.
Cable TV
Tubig,
kuryente, dalawa lang sa pangunahing pangangailangan ng tao.
Pero kahit
panonood ng telebisyon ay nagiging bahagi ng pang-araw araw na
pangangailangan ng tao.
Lalo
na nang dumami ang channel sa TV at ipinakilala ang cable television.
Ang pagtaas
ng bilang ng nakakalibre sa koneksyon ng cable sa ilegal na pamamaraan ay
labis na ikinababahala ng Philippine Cable Team Association (PCTA).
Ayon sa grupo,
may mga lugar na isa hanggang apat at isa hanggang 10 ang average ng mga
nagnanakaw ng cable TV.
Si Mang
Erning, luma man ang kanyang TV, may cable connection naman ito.
Sa lugar ni
Mang Erning ay halos buong barangay daw nila ay may cable TV pero ilegal ang
mga ito.
Mga dating
subscriber daw sila pero nang maputulan ng koneksyon ay naipagpatuloy pa rin
nila ang kasiyahan.
Madali
lang naman daw gumawa ng illegal connection.
Sa ngayon ay
ginagawa raw ng PCTA ang lahat ng paraan para masugpo ang illegal cable
connection .
May
teknolohiya raw na tinatawag na addressable box na nagagawang encrypted
lahat ng signal ng cable. Kahit nakakonekta sa cable ang residente ay hindi
sila makakatanggap ng signal.
Sa unang
paglabag ay P1,000 ang katapat na multa. Sa ikalawa ay P3,000 at sa ikatlong
pagkakataon ng paglabag ay P5,000 ang multa.
Pero naniniwala si "Mang Erning" na walang saysay ang kahit anong batas
laban sa ilegal na cable connection.
Mismong
mga tauhan raw ng mga cable operator ang problema.
"Bakit hindi pa mapatupad ng maayos samantalang nakikinabang naman lahat.
Bakit ba hindi mabayaran 'yan e magkano lang 'yan. Kasi ang lumalabag
nanggagaling sa loob," ani Mang Erning.
Wala na raw libre sabi nga ng Maynilad.
May pera mang
pambayad o wala, ang pagiging tapat ay hindi mabibili sa kung saan saan
lamang. Libre dapat ito sa bawat katauhan. |