'Nambububong'
Source:  www.abs-cbnnews.com
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)


Hindi siya dentista pero ngipin ang kinukutkot niya, 'yun nga lang hindi ng buhay kundi ngipin ng patay. Pukpok dito, bunot duon, habang tinatanggal niya ang ngipin sa isang bungo.

Kontrobersyal: Anong kinukuha mo dyan?

Jojo: Ngipin po. Ibebenta. Pinupukpok. Kinukuha niya.

Kontrobersyal: 'Yang mga ganyan mabebenta pa ba 'yan?

Jojo: Oo. P5 isa niyan.

Kontrobersyal: San mo ibebenta 'yan?

Jojo: Dyan sa Centro. Minsan may nagpupunta sa amin ditong lalaki.

Nambububong o maninikwat ang tawag sa isang tulad ni Jojo. Ninanakawan kasi nila ng kahit anong bagay na mapapakinabangan ang mga patay na nakalibing na.

Lumaki si Jojo sa isang sementeryo kaya naman bata pa lang siya ay nakagisnan na niya ang mamuhay kasama ang mga patay.

"Kesa magnakaw ako, mang-hold up [ito ang ginagawa ko]. Bawal naman sa akin 'yun mas delikado 'yun. Dito na lang ako sa sementeryo magnakaw," ani Jojo.

Ultimo medyas ay kinukuha ng mga katulad ni Jojo. Ibinibenta raw ito ng P30 matapos labhan. Umaabot naman ng P100 isang set ng ngipin pag ibinenta.

Kontrobersyal: Sa loob ng isang linggo, magkano ang kinikita mo?

Jojo: Inaabot ng P250. Sa dalawang lingo, inaabot 'yun ng P500.

Kailanman daw ay hindi siya natakot sa patay. Kung meron man daw dapat katakutan. 'yun ay ang mga buhay.

"Ba't ako matatakot? Matakot ka sa buhay huwag lang sa patay," ani Jojo.

Kontrobersyal: Bakit mo naman nasabing matakot sa buhay at huwag sa patay?

Jojo: Ang buhay, papatayin ka ng buhay e. E ang patay wala, patay na 'yun."

Ordinaryo na ang ganitong klase ng hanapbuhay sa mga tulad niyang taga-sementeryo. Madali lang nila malaman kung sino ang kukuhanan at hindi. Kailangan lang daw ay maging mabilis.

JC: Tinitingnan nila sa lapida 'yung taon [ng pagkamatay], kunwari mga 1962, 79 ganyan mga buo ang ngipin niyan. Mga bata pa ho kinukuha namin.'

Tinatandaan na raw nila kung sino ang makukunan nila ng mga gamit ng mga patay sa paglilibing pa lang ng mga ito.

JC: Kinukuha namin agad kasi unahan kami niyan e. Maraming kumukuha rin niyan e. Tapos taghirap ngayon dito maraming kumuha ngayon niyan.

Sumama ang Kontrobersyal kay Jojo sa pag-iikot niya sa hilera ng mga puntod. Marami sa mga nasa apartment ay walang mga takip o lapida.

Pinabayaan na raw kasi ng kanilang mga pamilya ang ilan sa mga patay. Pero mas madali pa rin para kay Jojo na manguha ng mga gamit kung walang takip ang mga nitso. Mas mabilis daw kasi niyang makikita kung meron ba siyang makukuha o wala.

Isa sa mga ito ang kanyang nilapitan. Pero bukod sa kahoy lang ang kabaong ay wala rin siyang iba pang mapapakinabangan dito. Hindi kalayuan sa naturang libingan ay isang bukas na puntod muli ang pinuntahan ni Jojo.Kahit papaano ay may mapapakinabangan siya sa puntod. May medyas kasi ang patay. Pwede na raw ito.

Kontrobersyal: Paano mo makukuha ang medyas?

Jojo: Hahatakin ko.

Kontrobersyal: Gaano na katagal itong patay na ito?

Jojo: Ito mga ilang buwan pa lang. Isang buwan. May laman pa [ang bangkay].

Kontrobersyal: Anong gagawin mo sa medyas?

Jojo: Ibebenta ko ito.

Kontrobresyal: Ano pang makukuha mo?

Jojo: Wala na, ito lang medyas na ito.

Kontrobresyal: 'Yung pantalon makukuha mo?

Jojo: Hindi medyas lang ang makukuha. Nakadikit sa laman [ang pantalon] e.

Kuskos dito, kuskos duon, agad na nilabhan ni Jojo ang medyas na nakuha niya sa patay. Kitang-kita sa tubig na kanyang pinaglabhan kung gaano kadumi ang medyas. Hindi na nilabhang mabuti ni Jojo ang medyas, basta sinabon daw ay ayos na ito. Hihintayin na lang daw niyang may bumili sa kanya. Kung wala naman ay siya na lang daw ang gagamit nito.

Pero ang mga ngipin na naipon niya ay sigurado raw mabebenta pagdating ng Hunyo dahil pasukan na at kailangan ito ng mga estudyante sa pag-aaral nila. Minsan tinatawaran pa ng P80 ang ngipin.

Kontrobersyal: Ilang lingo mong inipon ang mga ngipin?

Jojo: Ito, dalawang lingo na mahigit ito.

Iniipon daw ni Jojo ang mga pustiso para pagdating ng pasukan ay handa siyang magbenta sa mga kumukuha sa kanya.

Jojo: Kinukuha po 'yan ng mga nurse pagpasok ng June mga akinse. Minsan pinag-aaralan nila [ang mga ito. Pagkatapos pag-aralan ay tinatapon na nila. 'Yung iba ay ginagawang pustiso. Nilalagyan nila ng parang asido.

Hindi naman daw lahat ng patay ay ninanakawan ni Jojo. Kung meron man daw siyang kinukuhanan ay meron din naman daw siyang inaalagaan. May mga patay din daw siyang binabantayan laban sa mga nambububong na katulad niya. Sa hindi na mabilang na patay na kanyang ninakawan, aminado si Jojo na wala na nga siyang takot sa patay.

Pero kahit daw isa lang siyang magnanakaw ay hindi naman daw ito dahilan para mawalan siya ng konsensya. "Ang patay, bago mo tanggalin 'yung mga medias ay magpapaalam ka muna. Kasi may kaluluwa rin 'yun eh," ani Jojo.

Pangkaraniwan na ang mga bukas na nitso sa mga pampublikong sementeryo. May mga nitsong hindi nga bukas ay butas naman sa tagiliran.

Ang ibang mambububong kasi ay hindi kayang sumira ng buong nitso kaya naman binubutas lang nila sa gilid ang mga ito at kinakapa lang nila ang kanilang nanakawin tulad ng kwintas at ngipin. Pero, higit sa mga ito, mas nakagugulat isipin na makita ang patay na wala na sa kabaong.

Isang babaeng bangkay ang walang awang ninakawan ng kabaong na ipinakita sa Kontrobersyal ng mambubuong na si Buddy. Yari kasi ang kabaong sa yero at nabebenta ito ng por kilo.

Bagong libing ang bangkay at nag-uumpisa pa lang itong maagnas. Hindi maipaliwanag ang amoy ng nabubulok na katawan. Ang mas masaklap pagdating ng Nobyembre sa Araw ng mga Patay, hindi na alam ng mga kamag-anak ng patay kung saan nila pupuntahan ang yumaong mahal sa buhay.

Bukod sa wala nang kabaong ay ipinasok na lang ang katawan sa isang bakanteng nitso. Hindi alam nila Buddy kung sino ang gumawa nito.

Kaya kahit magreklamo pa ang pamilya sa dami nilang nambububong sa sementeryo ay hindi malaman kung sino ang ituturong may sala. Bagito pa lang si Buddy pagdating sa pambububong.

Alam naman daw ng magulang niya ang kanyang ginagawa.

Ginagawa niya raw ang pagnanakaw sa patay hindi para makabili ng pagkain kundi para may pangsinghot siya ng rugby. Walang pinipiling araw at oras si Buddy sa kanyang paninikwat sa patay. Basta merong makukuhanan at wala masyadong tao ay tuloy ang gawain niya.

Pero hindi naman daw niya ito nagagawa ng madalas dahil sa ngayon daw ay mautak na rin ang pamilya ng mga patay. Wala na raw nagpapasuot ng alahas sa mga bangkay. Bihira na rin daw ang gumagamit ng kabaong na yero.

Bukod sa pambububong, nagbubuhat din si Buddy ng mga patay na ililibing pa lang . Sa ganitong paraan ay may ekstrang kita na raw siya at nalalaman pa ng mga tulad niya kung sino ang makukuhanan nila ng mga gamit.

Sa isang puntod nakakita ng kabaong na yero si Buddy at kanyang mga kasamahan. Takip lang ang makukuha nila. Mahirap daw kasing makuha ang buong kabaong. Sigurado naman sila na kahit takip lang ay may pera pa rin silang mahahawakan.

Kailangan na kailangan daw nila ng pera kaya agad din nila itong ibebenta sa junk shop.

Hindi magkandaugaga si Buddy at ang kanyang mga kaibigan sa pagpitpit ng yero. Kailangan kasing mapitpit mabuti ang yreo para hindi mahalata na kabaong ito. Hindi raw kasi tatanggapin sa junk shop kapag nalamang galing ito sa isang ataol.

Pagbalik ng sementeryo, muling naghanap si Buddy ng makukuhanang patay. Sa kanyang paghahanap, isang kabaong ang kanyang natiyempuhan na may plastik pang kasama. 'Yun nga lang bata ang nakalibing. Kukunin na sana ni Buddy ang plastik pero biglang umiral ang kanyang konsensya. Ibinalik niya ang plastik.

"Ah buo pa bata pa. May laman pa o. 'Di tinakpan," ani Buddy. Kasama ng katawan ng bata ang ilang gamot at mga damit.

Buddy: Bago pa lang ata ito, wala pang isang linggo.

Kontrobersyal: Bakit wala siyang semento?

Buddy: Pinabayaan e. Nakakaawa naman 'yung bata o.

Kontrobersyal: Naaawa ka ba sa bata?

Buddy: Opo.

Kontrobersyal: Ngayon ibabalik mo na 'yang mga nakuha mo?

Buddy: Opo. Nakaawa po.

Kontrobersyal: Bakit ka naawa sa mga bata?

Buddy: Kasi bata para din 'yang mga anghel, anghel na rin 'yan e.

Matibay ang kanilang sikmura pagdating sa patay pero kung minsan kapag umiral ang kanilang puso at awa ay nanghihina na rin sila. Pero masama man para sa iba ang kanilang ginagawa, ito na raw ang pinakamadaling trabaho na alam niya.

Kontrobersyal: Bakit hindi ka maghanap ng ibang pwede mong pagkakitaan?

Buddy: Wala na ho kasi Grade 6 lang natapos ko. Hindi ho ako gaanong marunong bumasa kaya hindi ako makapagtrabaho sa labas e.

Kontrobersyal: Masasabi mo bang madali o mahirap ang ganitong klase ng hanapbuhay?

JC: Madali ho 'to. Mas madali po 'to, dito na ako sa sementeryo. Dito na talaga ako maghahanapbuhay. Madali ang pera dito sa sementeryo kahit anong klase ng trabaho dito ay kaya mong [pagkakitaan]...kahit P10 ay makakakuha ka agad dito kahit pako-pako lang.

Alam nina Buddy at Jojo na bawal ang kanilang ginagawa pero sa kabila nito ay nararamdaman daw nila na naiitindihan sila ng mga patay na ninanakawan nila. Malaking tulong daw sa kanila ang nakukuha nila sa mga patay para mabuhay. Katwiran nila, mas mabuting sila ang makinabang kaysa mga uod lang.

Balang-araw din kasi ay sa sementeryo din nila nakikita ang kanilang mga sarili.

"Sa sementeryo lang talaga ang kababagsakan ko, wala nang iba. Tsaka ito lang talaga ang hanapbuhay ko. Dito na ako….ikamamatay na namin 'to," ani Buddy.