"Seņorita
Jamby, Senadora Jamby"
Source: www.abs-cbnnews.com
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools na maaring magamit para sa dokumentong ito.) |
Mula sa bahay sa Lungsod Quezon, sinundan ng Kontrobersyal si Sen. Jamby Madrigal isang araw nitong Hunyo patungo sa mga lakad niya. Kapag wala sa Senado, abala si Jamby sa mga talumpati sa iba't ibang lugar tulad ng isang okasyon patungkol sa HIV/AIDS. Minsan na siyang pinagbintangan na nakikisakay lang sa mga isyu. Pero sagot ni Jamby, siya ang nagpapatutok ng mga isyu. Unang nakilala si Jamby ng italaga siyang tagapayo sa mga usaping kaugnay sa mga kabataan noong 1999 sa panahon ng dating pangulong Joseph Estrada. Kumandidato siyang senador noong 2001 pero hindi nanalo. "Sinabi ko nga na since yung idolo ko si Winston Churchill na [natalo noong unang tumakbo], magsusumikap ako para manalo ulit." Kasagsagan ng kampanya, binuksan ni Jamby sa media ang tahanan niya sa New Manila sa Lungsod Quezon. Katabi lang ito ng kontrobersyal na mansyong "Boracay" ni Estrada na ang lupang kinatitirikan ay binili sa pamilya Madrigal. Kung tutuusin mas magara pa ang sinasabing mansyon ni Estrada kaysa matandang bahay ng mga Madrigal. Luma na ang bahay pero ito ang hitsura ng mga lumang mansyon sa Pilipinas. Sa bakurang ito itinatayo ang bahay ni Jamby, regalo ng kanyang ama noong ikinasal siya. Hindi pa rin tapos ang pagpapatayo ng bahay dahil naantala ang konstruksiyon nang magsimula ang kampanya. Ang mga katulong sa bahay, umaabot sa 40 kasama ang hardinero at mga utusan. Noong kampanya, ipinakita rin niya ang alaga niyang mga aso. Minsan na siyang binatikos dito dahil ang mga aso niya, natutulog umano sa airconditioned na kwarto. Labing-dalawa ang aso ni Jamby. Aniya, mahilig talaga siya sa aso. Nangangabayo rin siya. Sa Europa pa siya nag-aral ng pangangabayo, anang senadora. Inamin rin ni Jamby na ginasta niya sa kampanya ang pera ng pamilya. Inamin din ng senador na may "agimat" siya sa kampanya at ito ay ang mga pulseras na ipinamudmod sa mga tao. Ang tawag niya dito, "long handshakes." Ang mga tao na hindi niya nakakamayan, nabibigyan naman ng pulseras. "May nagdala sa akin sa astrologer but this time sinabi sa akin na I will win. So sabi nila, stick to your advocacy at mananalo ka." Pero kahit ang pag-endorso ng aktres na si Judy Anne Santos sa kanya noong kampanya, umani rin ng batikos. Sagot ni Jamby, magkaibigan sila ni Santos. Hindi man siya magpagbintangang magnanakaw sa kaban ng bayan dahil sa yaman ng pamilya niya, binabanatan naman siya dahil galing siya sa "de buena familia " Pero sagot ni Jamby: "Alam mo naman matagal nang wala sa pulitika ang pamilya ko. Forty-plus years na wala ang pamilya ko. Ako naman sabi ko, ang dami ng foundation na inalagaan ko." "Hindi ko naman nenegosyohin ang pulitika," dagdag niya. Kilala rin si Jamby sa tunay na pangalang Maria Ana Consuelo Abad Santos Madrigal. Jamby ang palayaw na binigay sa kanya ng tiyuhin. Pangalawa siya sa tatlong magkakapatid. Ang lolo niyang si Don Vicente Madrigal, dating senador, ang nagpondo umano sa kampanya nang tumakbong pangulo si Manuel L. Quezon noong dekada '30. Ang kanyang lolo sa ina, si Jose Abad Santos ay dating punong mahistrado at pinatay ng mga Hapones dahil ayaw maging kakutsaba ng mga dayuhan. Aniya, sa kanyang lolo siya nagmana ng pagiging palaban sa mga isyu. Samantala, ang ama niyang si Don Antonio Paterno ay isa sa naging mga alalay at tagapayo ni Gen. Douglas MacArthur noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa katunayan, kasama ang kanyang ama nang dumating si MacArthur sa Palo, Leyte noong 1944. Hinggil sa tanong kung may pangarap siyang maging presidente ng Pilipinas, sagot ni Jamby: "Wala pang naging presidente sa amin hindi kagaya ng ibang senador. Ako'y masaya na na naging senador." Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay umaasa ang mga kaanak ni Jamby na magkakaroon siya ng anak. Noon pang 2002 siya kasal kay Jean Claude Valade, isang Pranses na may dugong bughaw. Sa kabila ng pagiging abala sa trabaho, sinabi ni Jamby na hindi siya nangangamba na ipagpalit ng asawa. "I think he is faithful because, matagal din siyang naging bachelor. He believes in my cause." Sa kabila ng mga batikos at paninira, natuto na umanong lumaban si Jamby. Ang importante, aniya, ginagawa niya ang sinumpaang tungkulin sa bayan. Masipag si Jamby at bihirang lumiban sa Senado. Minsan lumiban sa isang pagdinig ng Senado. Sa pagkakataong iyon, naintriga pa siya. "Sa Senado nagalit sila sa akin kasi hindi ako nakarating, hindi naman ako inimbitahan, that day nagkaroon ako ng sakit. Kailangan ba i-log namin sa Senado kung kailan kami nagkakaregla?" Nagpalitan din ng maaanghang na salita si Jamby at DENR Secretary Mike Defensor ng pumutok ang isyu ng ilegal na pagtotroso sa Quezon. Sabi ni Defensor, maraming negosyo sa minahan ang pamilya Madrigal. Isa raw ito sa nakakasira sa kalikasan. Ayon sa talaan ng Securities and Exchange Commission, halos 20 negosyo ang nakapangalan sa lolo ni Jamby na si Don Vicente. Apat na negosyo, sa pangalan ni Jamby. Karamihan dito sa pagbebenta ng mga lupain. Sagot ni Jamby, naibenta na ng pamilya Madrigal ang mga negosyo nila sa pagmimina. Unang termino niya sa Senado kaya hindi pa siya sanay sa laro ng pulitika. "Ang importante dito, ang isyu ay isyu. Dapat passionate 'yan, minsan napapahiya ka pa.When the debate is over the friendship should begin," anang senadora. Hindi tinatangi ni Jamby na mayaman ang pamilya Madrigal. Sa bansang madalas nasasangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ang mga pulitiko, mahirap paniwalaan ng mga kritiko ni Jamby na nagtatapon siya ng pera para sa bayan. Kaya ang hamon ni Jamby, tingnan na lang ang mga nagawa niya. Huwag daw siyang husgahan dahil sa kanyang pangalan dahil dapat, alang personalan. |