Alfred: HIV positive
Source:  www.abs-cbnnews.com

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Siya si "Alfred" (di-tunay na pangalan).

HIV-positive si Alfred at natatakot na kutyain kaya hindi muna siya humarap sa kamera.

"Natatakot ako. Paano kung sinabi ko sa friends ko na positive ako sa HIV, s'yempre wala pa silang gaanong kaalaman baka pandirihan [nila ako], ani Alfred.

Edad 21 lang si Alfred at tatlong taon na siyang nabubuhay na merong HIV o human immunodeficiency virus.

Noong 18 pa lang siya, labas-masok sa ospital si Alfred dahil sa pabalik-balik na pneumonia. Doon siya nakunan ng blood test.

Tinanong siya ng mga doktor kung alam niyang may HIV siya. Sagot ni Alfred, "Alam ko na positive ako. Kinabahan ako tumulo ang luha ko."

"Alam ko sa AIDS pag meron ka noon pandidirihan ka ng tao, pangingilagan ka tapos mamamatay ka na," aniya.

Parang gumuho ang mundo ni Alfred sa balitang natanggap niya.

Hindi niya alam kung paano niya nakuha ang sakit pero aminado siyang marami siyang nakarelasyon, lalaki man o babae. Hindi rin daw siya gumamit ng proteksyon sa pakikipagtalik.

"Nagkaroon ako ng relasyon sa bading, nagkaroon kami ng contact. Nung last nagtagal kami siguro three years kami. Alam niya na mayroon akong GF, s'yempre 'di n'ya maiwasan na magkagusto ako sa babae," ani Alfred.

Sa Bulacan lumaki si Alfred.

Ang kanyang amang foreigner, minsan lang daw niya nakita noong maliit pa siya. Ang kanyang ina ay namatay na noong third year high school pa lamang
siya.

Nung kumalat ang balitang may karamdaman si Alfred, naramdaman niya ang unti-unting paglayo ng mga kamag-anak.

"One time nagpunta ako sa puntod ng nanay ko, narinig ko ang mga tao pinagkukwentuhan 'Di ba iyan si...'di ba may HIV 'yan?' Tapos ilang sila. S'yempre hurt ako, iyak ako nang iyak."

Humina na ng humina ang katawan ni Alfred. Pero hindi siya inaruga ng kanyang mga kamag-anak.

Isang kakilala ang naawa sa kanya.

Si Irene Foncier Fellizar, isang social worker, ang nagmalasakit kay Alfred.

Noong Hunyo, madaliang sinagip ng Lunduyan Foundation si Alfred na meron nang malalang kondisyon.

"Noong nakita namin s'ya, kahit ako 'di makapaniwala na hangang ngayon hindi pa rin ka-aware ang mga tao, especially 'yung immediate family na dapat supposed to be pinakaimportante sa [may sakit] ay ang support ng family," ani Banz Iremedio, tagapag-alaga ni Alfred.

Sa Pilipinas ngayon ay mayroong 2,373 reported cases ng mga HIV positive.

Ang pinakamataas na kaso ng pagsalin ng HIV ay sa pamamagitan ng pagtatalik ng lalaki at babae. Sumunod ang pagtatalik ng parehong lalaki o babae at pang-apat ang sa pamamagitan ng blood transfusion.

Pero kahit na marami ang mga Pinoy na may HIV, hindi pa rin lumalawak ang pang-unawa ng maraming tao.

Ang mga organisasyon na tulad ng Lunduyan ang nagsusumikap na turuan ang publiko tungkol sa sakit na AIDS.

Malaki na ang ipinagbago ni Aflred mula ng kupkupin siya ng foundation. Hinahanda raw niya ang sarili ngayon na humarap sa publiko para mabigyan ng mukha at boses ang pinaglalaban ng mga taong may HIV.

"Ngayon masaya ako, masigla ako, thankful ako sa Lunduyan talaga pinalakas nila ang loob ko," ani Alfred.

Ang bagong araw ay bagong pag-asa para kay Alfred.

Marami siyang plano sa buhay pero ngayon, ang plano muna niya ay matanggap siya ng mga tao bilang normal na kapwa.

"Maaaring hindi ala ng mga kamag-anak kung ano talaga ang sitwasyon, doon pa rin sila sa paningin na pwedeng stigmatizing kaya siguro para sa akin bahagi lang ito ng isang proseso na pinagdaanan din ng karamihan na kilala ko," ani Irene Fonacier Fellizar.

Para kay Alfred, tuloy ang laban. Ang pagkakaroon ng HIV ay hindi raw katapusan ng buhay.

"Gusto kong makausap 'yung katulad ko, makahuntahan para ma-encourage ako, ma-encourage sila para mabuhay ng matagal."