"In sickness and in health"
Source: www.abs-cbnnews.com
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at
may panibagong "window" na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)
Parang laging bagong kasal sina Abai at Elvira Valiente kahit isang taon na ang nakalipas mula nang sila ay maging mag-asawa.
Pero hindi ordinaryo ang kwento ng pag-ibig nina Abai at Elvira.
Ang Samaria
Village ang naging saksi sa kanilang pag-iibigan. Isa itong lugar na tinitirhan
ng ilang mga pasyenteng papagaling sa sakit na ketong.
Hindi man romantiko ang lugar, natagpuan nila dito ang totoong pag-ibig.
Dati kasing may ketong si Elvira bago siya nakilala ni Abai. Pareho silang may kanya-kanyang buhay noon.
Si Abai ay isang balo at walang anak. Si Elvira naman ay mayroon ding dating kinakasama at nagkaroon ng dalawang anak.
Pero hindi
maganda ang kanyang karanasan sa unang relasyon. Sabi ni Elvira, puro pasakit at
pang-aapi ang kanyang naranasan sa kanyang biyenan kahit na nga pinagsilbihan
niya ang buong pamilya ng kanyang kinakasama.
"Mahal na mahal ko ang asawa ko. Sa laki ng pagmamahal ko kanya nagsasakripisyo
ako sa kanila, ang hirap ng nararamdaman ko. Kahit nilalagnat ako 'di ko
pinapaalam," ani Elvira.
Pero isang aksidente ang nangyari kay Elvira habang siya ay nagtitinda. Natusok ang kanyang paa mula sa bubog ng basag na bote sa tambak ng basura. Tumakbo siya dahil nagkakahulihan sa palengke na kanyang pinagtitindahan.
Noong panahon na iyon, may napansin na rin siyang kakaibang sakit sa kanyang balat.
"May lumabas sa aking an-an, [naitanong ko sa sarili] 'ano kaya ito?' Umiyak na lang ako, ang sabi sa akin, 'naku, nakakahawa iyan,'" ani Elvira.
Hindi na siya nakapagtinda sa palengke kaya nagbenta na lang si Elvira sa harap ng kanilang bahay.
Pero sa pagluluto niya ng mani, nabanlian naman siya ng kumukulong mantika sa kaliwang kamay na nagresulta sa third-degree burn.
Sa pagdalaw ng kapatid ni Elvira, nakita nya ang kalunos-lunos na hitsura ng kapatid kaya pinatingnan niya angbabae. Dito nalaman na si Elvira ay mayroong leprosy o ketong.
Kinailangan nang ipasok si Elvira sa isang leprosarium para magamot.
Ani Elvira sa tingin niya ay nakuha niya ang ketong sa sobrang pagod.
Kinailangan putulin ang kanyang kanang paa dahil sa tetanus. Hindi matanggap ni Elvira ang nangyari. Pakiramdam daw niya, isinumpa na siya ng kapalaran.
Nagtangka siyang magpatiwakal ngunit nagbago ng isip at humingi ng tawad sa Diyos.
Limang taon na nanirahan si Elvira sa Tala Leprosarium. Hindi siya halos dinadalaw ng mga kamag-anak hanggang sa gumaling siya at makalabas.
Wala na siyang mapuntahan noon dahil nahihiya nang bumalik sa mga kamag-anak dahil sa naging sakit.
Noong 2000 ay kinupkop s'ya sa Samaria Village, isang kanlungan para sa mga may ketong.
Nagbago ang malungkot na buhay ni Elvira nang magtagpo ang tadhana nila ni Abai.
Noong panahong iyon, nagpunta si Abai sa isang kaibigan na malapit sa Samaria Village. Nakita niya si Elvira sa loob ng village.
Ani Abai, para siyang tinamaan ng pana ni Kupido.
Naulit ang pagdaan ni Abai sa Samaria pero hindi siya pinansin ni Elvira.
Sa kabila nito, lalong nagpursigi si Abai.
"Natatakot ako baka lokohin n'ya ako. Pakipot muna ako pero lagi n'ya ako pinapasalubungan. Tinatanong n'ya ako ano ang gusto ko kaya nagustuhan ko na rin s'ya. Matiyaga s'ya," ani Elvira.
Hindi naging problema kahit kailan ang naging sakit ni Elvira para kay Abai.
Ani Marilyn Sabado, kaibigan ni Elvira, nakita niya ang pagpupursige ni Abai.
"Matiyaga si Mang Abai, nakita naman namin na masaya si Elvira pag magkasama sila," ani Marilyn.
Limang buwan na naging magnobyo sina Abai at Elvira hanggang dumating ang alok sa kanila ng Koreanong pari ng Samaria Village.
Mabilis nabuo ang plano ng kasal nina Abai at Elvira sa tulong ng buong komunidad ng Samaria.
Noong Hunyo 5,
2004, pinagbuklod ng kasal sina Abai at Elvira.
"Naramdaman ko sa kanya ang tunay na pagmamahal. Noong una akala ko lolokohin
lang ako dahil alam mo na may sakit ako pero alam ko namang totoo s'ya," ani
Elvira.
"Hindi mahalaga sa akin 'yung nakaraan niya, mahal ko siya," ani Abai.
Binigyan na rin ng isang maliit na kubo sina Elvie at Abai sa loob ng Samaria. Naging volunteer worker si Abai sa loob ng village. Nagtatanim din siya ng mga gulay at inilalako sa labas.
Simula noon wala ng naging hadlang pa ang kanilang pag-iibigan.
Para kina Abai at Elvie, sapat na ang pag-ibig nila sa isa't isa at hindi nila habol ang mga luho ng materyal na bagay dahil natagpuan nila sa isa't-isa ang kayamanan nila sa buhay.